PNP NALUSUTAN NA NAMAN NG RIDING IN TANDEM?

KAALAMAN ni MIKE ROSARIO

HINDI umabot nang buhay sa pagamutan ang isang babaeng lawyer matapos siyang pagbabarilin ng riding in tandem sa Bangued, Abra kamakailan.

Si Atty. Maria Sanita Liwliwa Gonzales-Alzate ay pinagbabaril ng riding in tandem habang nasa loob ng kanyang puting Mitsubishi Mirage G4 na kotse na nakahinto sa harapan ng kanilang bahay sa nasabing lalawigan.

Matapos ang pamamaril ay agad na dinala sa pagamutan si Atty. Gonzales-Alzate subalit nalagutan ito ng hininga.

Dahil sa pangyayaring ito ay bumuo ng isang special investigating task group ang PNP-Abra Provincial Police Office para tutukan ang kaso ng pagpatay sa naturang lawyer sa Bangued, Abra

Layunin ng binuong Abra PPO-Special Investigation Task Group na kilalanin at alamin ang motibo ng riding in tandem na bumaril kay Gonzales-Alzate.

Ayon sa ulat ni P/Col. Froiland Lopez, Provincial Director ng Abra Police, matapos ang kanilang case conference ay inutos ang pagsisiyasat para sa pagkakakilanlan ng dalawang suspek na bumaril sa abogada.

Ni-review na rin nila ang CCTV footages sa crime scene sa tapat mismo ng bahay ng biktima sa Bangued, at ang mga posibleng ruta na tinungo ng hindi pa kilalang mga suspek.

Matatandaang noong nakaraang Huwebes ng hapon, habang nasa loob ng puting Mitsubishi Mirage G4 sedan (AVA 6533) ang biktima, ay nilapitan ito ng mga suspek at pinagbabaril.

Nagluluksa naman ngayon ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Northern Luzon Region sa pagkamatay ni Atty. Gonzales-Alzate na pinagbabaril sa harapan pa man din ng kanilang bahay sa Bangued, Abra.

Dahil sa pangyayaring ito ay muli na namang tinanong ng taumbayan ang pulisya kung nasaan sila habang pinagbabaril ng riding in tandem si Atty. Gonzales-Alzate.

“Kapag wala ang pusa, malayang nakapaglalaro ang daga,” kung may police visibility sana sa lugar, malamang hindi na nakapambiktima ang riding in tandem.

Bakit laging nalulusutan ng riding in tandem ang pulisya? Nagpapakita ba ito na hindi maayos ang police visibility sa lugar?

Hindi sana makagagala ang mga kriminal kung may nakikita silang pulis na aktibong nag-iikot sa kanilang area of responsibility.

Sana buhay pa ngayon si Atty. Maria Sanita Liwliwa Gonzales-Alzate kung naging maagap lang ang mga pulis sa lalawigan.

179

Related posts

Leave a Comment