PUNA ni JOEL O. AMONGO
IMBES na maging kakampi ng mga residente ng Eastern Samar ang kanilang inihalal na mga opisyal sa kanilang lalawigan sa pagprotekta laban sa mga sumisira sa kalikasan ng kanilang lugar, ay naging bulag, pipi at bingi pa ang mga ito sa kanilang mga hinaing.
Sa post ng SAVE HOMONHON MOVEMENT page noong Nobyembre 29, 2023 sa pamamagitan ng post din ng DIOCESE OF BORONGAN noong Nobyembre 27, 2023, hindi natuloy ang kanilang itinakdang Prayer Rally na pinamagatang “JERICHO WALK: DASALAKAD PARA SA SAMAR ISLAND” (No To Mining and Environmental Degradation in any parts of Samar) na itinakda noong Nobyembre 29, 2023.
Ang dahilan ay ang DENIAL OF THE APPLICATION para sa rally permit na ipinag-utos ni Guiuan Mayor Annaliza Gonzalez-Kwan.
Ang aplikasyon ay tinanggihan ni Mayor Gonzalez-Kwan sa mga kadahilanan: 1: The exercise of the right of freedom of speech and to peacefully assemble and petition the government for redress of grievances is not absolute for it may be so regulated that it shall not be injurious to the rights of the community or society. 2: Non-residents of Guiuan should not intervene in the resolution of political and economic issues particular to this Municipality and its residents. 3: Due to lack of evidence on record that will assure the public that no leftists, provocateurs, infiltrators and criminals will make advantage of the rally and disrupt the peace and order in this Municipality.
Dahil sa isyu na ‘yan muling itinakda ang bagong petsa ng prayer rally at inanunsyo noong Disyembre 6, 2023.
Balikan po natin ang dahilan ni Mayor Gonzalez-Kwan para hindi niya payagan ang nasabing prayer rally, ang babaw ng kanyang mga sinabi.
Kasama na riyan ang posibleng pakikialam ng hindi mga residente ng Guiuan sa prayer rally, pagsama ng ‘leftists, provocateurs, infiltrators and criminal’ upang samantalahin ang rali para sirain ang katahimikan ng kanilang munisipalidad.
Hindi kumbinsido ang mga taga-Eastern Samar na ‘yan lang ang tunay na dahilan kaya hindi sila pinayagan ng alkalde sa kanilang isasagawa sanang prayer rally.
Narito naman ang naging pahayag ng kampo ni Eastern Samar Governor Ben Evardone, na binasa ni Provincial Legal Officer Eden Balagasay: ‘the miners’ continued defiance would compel him to “issue a position paper to oppose, if not ask for the cancellation, of your MPSAs (Mineral Production Sharing Agreements) “.’
Paniwala tuloy ng mga residente, iniwan sila sa ere ng kanilang inihalal na mga opisyal sa paglaban sa sumisira ng kanilang kalikasan.
Sa kasalukuyan, apat na kumpanyang minahan ang nag-o-operate sa Homonhon Island, ang mga ito ay kinabibilangan ng Emir Mineral Resources Corporation; Chromite King, Inc.; Nickelace Inc.; at Mt. Sinai Mining Exploration and Development Corporation.
Ang mga kumpanyang ito ang mga nagmimina ng nickel at chromite deposits na may pinagsamang mga manggagawa na umabot ng 1,549 katao.
Imbes na protektahan ang lugar dahil makasaysayan ito sapagkat dito unang dumaong ang EKSPEDISYONG PINANGUNAHAN NI FERDINAND MAGALLANES PATUNGONG MOLUCCAS, NOONG MARSO 17, 1521; ARAW NI SAN LAZARO NA IPINANGALAN SA BUONG KAPULUAN. NAGANAP ANG UNANG PAKIKISALAMUHA NG MGA KATUTUBONG PILIPINO SA MGA DAYUHANG ESPANYOL AT PAGPAPALITAN NG MGA REGALO, NOONG MARSO 18, 1521. NAGTAGAL NANG WALONG ARAW ANG GRUPO NI MAGALLANES KUNG SAAN SILA NAGPAGALING AT NAGPAHINGA. LUMISAN SILA NOONG MARSO 25, 1521.
Kaya tuloy ang isasagawang JERICHO PRAYER ASSEMBLY kontra mina na gaganapin sa Enero 20, 2024 sa Guiuan, Eastern Samar.
Ang nasabing prayer rally ay gaganapin sa plaza ng Guiuan na pangungunahan ni Fr. James Abella, chairman ng Caritas Borongan, na dadaluhan ng mga kinatawan ng parokya ng mga samahan mula sa tatlong Dioceses ng Samar.
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
333