(NI BETH JULIAN)
PINANGALANAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ilang organisasyon sa Pilipinas na ginagamit umano ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) para makakalap ng pondo mula sa ibang bansa.
Sa press briefing sa Malacanang nitong Miyerkoles, sinabi ni AFP Deputy Chief for Civil Military Operstions BGen. Antonio Parlade na ilan lamang sa mga organisasyong ito ang IBON Foundation, Kilusang Mayo Uno at Karapatan.
Ayon kay Parlade, lumabas sa isinagawa nilang pagpupulong kamakailan sa Europa na may pitong organisasyon ang nabigyan ng €3 milyon pondo ng European Union sa loob ng limang taon.
Maliban pa ito sa €32 milyon na naibigay ng EU sa ilang organisasyon na inakala nila na rural missonaries sa Pilipinas.
Sa ngayon, sinabi ni Parlade na pumayag na ang EU at Belgium na itigil muna ang pagbibigay ng pondo sa mga non government organization (NGOs) sa bansa habang hinihintay ang iba pang mga ebidensya mula sa gobyerno ng Pilipinas.
Paglilinaw naman ni Undersecretary at Executive Director ng Presidential Human Rights Committee Secretariat Severo Catura, hindi nila minamasama ang komunistang pananaw ng mga organisasyong ito na nagsisilbi umanong legal fronts ng CPP-NPA pero ang ilegal dito ay nagagamit umano ang nakakalap na pondo sa kanilang terroristic activities.
128