PRESSCON NAGMISTULANG POLITICAL STAGE SA QC

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA pulong-balitaan bumida ang mga inakusahan ng panghahalay.

Inuna munang ikuwento ang kanilang panig. Mas mabigat ba ang mga pagbibida sa presscon kaya wala na munang paki sa counter affidavit?

Pabibo ang mga inaakusahan sa kanilang litanya, na ginawa nilang depensa. Ipinakita pa ang mga larawan ng venue ng youth activity sa San Jose del Monte, Bulacan kaya mistulang nagkaroon pa ng libreng publicity ang resort.

Nagmistula ngang ‘political stage’ ang presscon ng mga inaakusahang sina Eugene Pico at Ezrael Aguirre na kapwa kandidato bilang SK councilor sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Sa kanilang mahabang litanya, malinaw ang mensahe ng mga ito – walang rape na nangyari sa Paradise Adventure Camp.

Ikinatuwiran nila na masinsin ang kanilang inokupahang lugar kaya imposibleng may naganap na insidente ng panghahalay.

Sina Pico, Aguirre at tatlong iba pa ang pinaratangan ng panghahalay sa 19-anyos na si Brian na kasamang dumalo sa libreng outing ng isang Judielyn Francisco sa naturang resort noong ika-16 ng Setyembre ng kasalukuyang taon.

Mas mainam sana kung ang pagharap nila kamakalawa sa media ay nakabatay sa salaysay na nakalakip sa legal documents. Namahagi rin sana sila ng kopya sa mga dumalong kagawad ng media para naman may pinanghahawakan ng kanilang legal na depensa.

Kaso lang, tila hindi nila inalam ang kaso laban sa kanila at wala pa ata silang naihaing counter-affidavit sa Office of the Prosecutor.

Sana kung may mga legal na dokumentong iprinisinta ang mga inakusahan ay hindi sila pararatangan na naghahanap sila ng simpatya at kadamay sa nararamdaman nila at ng kanilang pamilya dahil sa akusasyon.

May isang barangay official naman ang nagpakita ng pakikiisa sa mga akusado. Hindi raw ito titigil hangga’t hindi nakukuha ang hustisya ng mga bata.
Hustisya? Sa anong paraan?

Minsan, kundi man kadalasan, ay padalos-dalos ang iba sa paghahayag ng saloobin. Hindi kasi hinabi ang mga dapat na kailangan na may kaugnayan sa usapin sa kaso sa korte.

Batay raw sa pagsusuri ng piskalya o administering officer ay pasok lang sa kasong Act of lasciviousness ang inihaing reklamo noong Oktubre 2. Hindi naman rape.

May parusa rin sa taong nagpakita ng kalaswaan kung mapatutunayang nagkasala.

Walang nangyayaring pagtatalik sa kahalayan. Maaaring physical contact lamang.

At hindi lang nangyayari ang lasciviousness sa magkaibang uri ng kasarian, kundi pati sa parehong kasarian.

Sana lang nagabayan nang mabuti ang mga inaakusahan dahil anomang karagdagang inihayag nila sa presscon na labas sa sinumpaang salaysay ay maituturing na karagdagang opinyon ng akusado na hindi katanggap-tanggap na argumento kapag nasalang sila sa pagdinig.

Siya nga pala, sa photo opportunity sa presscon ay nagpakita ng papel ang isang akusado at sa likuran nila ay may ilang kabataan na may hawak na placard. Nakasulat sa placard na: “Hindi nababayaran ng pera ang dignidad at hustisya”. Aba teka, tila Out of Coverage Area ang slogan sa placards at anyo ng isang pagpaparatang?

273

Related posts

Leave a Comment