PRICE HIKE AT PANGINGILIN

HABANG nagtatampisaw ang mga tao sa saya na dulot ng mahabang weekend, at habang abala ang mga Pinoy sa pagpaplano at paghahanap ng iba’t ibang paraan para masulit ang bakasyon at maayos na paggunita ng mga tradisyon ng Mahal na Araw ay tila pansamantalang kinalimutan o hindi iniinda ang pagtaas ng presyo ng bilihin – ngayon ay mga produkto ng karne ng baboy.

Tinitingnan ng Department of Agriculture (DA) ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga produkto ng karneng baboy sa kabila ng kalimitang pagbagsak ng kakailanganin tuwing Semana Santa.

Ayon kay Assistant Agriculture Secretary Rex Estoperez, nagreklamo ang mga retailer matapos ipabatid ng mga supplier sa kanila ang P5 presyong dagdag nitong Abril 1.

Kasabay rin nito ang pahayag ni President Marcos na ang inflation, o pagsipa ng mga presyo ay nananatiling pinakamalaking problema ng pamahalaan.

At ginawa muling sangkalan sa problema ang labis na pagsandig sa importasyon.

Inamin ni Marcos Jr. na matagal nang pinababayaan ang agrikultura, pero wala pa ring solidong plano para maiangat ang kalagayan ng sektor.

Muli, ang pagpapakalat ng pagbubukas ng marami pang Kadiwa stalls ang tugon sa bawat taas-presyo ng anomang produkto.

Tatadtarin ang bansa ng Kadiwa stall na panandalian lang ang operasyon, at magiging karibal ng maliliit na tindahan.

Nasa panawagan na lang siguro nararamdaman ang pagbabago.

Gaya ngayong Semana Santa, hinikayat ni Marcos ang sambayanan na kilalanin si Hesus upang maging kasangkapan ng pagbabago at tagahatid ng katotohanan saan man mapunta.

Sa mensahe, sinabi niya na kaisa siya ng mga Katoliko sa pag-obserba ng Mahal na Araw.

Kaisa lang sa pag-obserba pero hindi kasama para maging instrumento ng pagbabago at tagapagsulong ng katotohanan.

Sa sambayanan iaasa ang pagbabago at pagsulong ng katotohanan gayung sila na nasa poder at may kapangyarihan ang dapat maging pasimuno at huwaran ng pagbabago at pagpapalaganap ng katotohanan.

Sa publiko ang gawa, sa kanila ang biyaya. Ang pobre nakatingala sa pagod, ang mga nasa pwesto, kampanteng nagpapahinga.

Ano ang mensahe ng Semana Santa?

Ang sakripisyo ng mga tao ay walang binatbat sa kalbaryo ni Hesukristo. Ang Kanyang pagpapakasakit, paghihirap, pagdurusa ang ilan sa mga dahilan kung bakit ganito tayo – nagseselebra ngunit hindi ganap na batid at ramdam ang saysay.

Ang sakripisyo ni Hesukristo ay nakikita natin sa mahihirap, sa mga inaapi, nagdurusa, nahihirapan, sa mga nagdadalamhati at nagluluksa.

Araw-araw na nakikita ngunit pikit-matang iniitsapwera.

‘Yan ang dapat magkaroon ng pagbabago, ‘yan ang katotohanan na kailangang ihatid upang mabatid at mapatid. Kaya lang, baka sa pagkakaisa iasa.

162

Related posts

Leave a Comment