PULIS PARA SA TAO HINDI SA MGA POLITIKO

MATAPOS ang apat na dikit na pananambang sa hanay ng mga politiko, lumutang ang balita hinggil sa santambak na hirit ng mga politiko sa Philippine National Police (PNP).

Lambing ng mga politiko sa Department of the Interior and Local Government (DILG), magtalaga ng pulis na magsisilbing bodyguard para sa kanilang seguridad.

Bago pa man dumagsa ang ‘request for security augmentation’ sa tanggapan ni DILG Sec. Benhur Abalos, nagsalita ang kalihim sa isang pulong-balitaan kung saan siya nanawagan sa mga politikong may agam-agam sa kanilang seguridad.

Ang dapat sana’y paandar lang ng DILG chief, kinagat – at nilanggam ng local government officials na iisa ang dahilan sa kanilang kahilingan. May death threat na rin daw sila.

Kung pagbabatayan ang batas na lumikha ng PNP, mga ordinaryong tao at hindi ang mga politiko ang prayoridad ng pambansang pulisya

Pero kung susuriin nang malapitan, tila mas prayoridad pa ang mga politikong sa totoo lang ay karaniwang may sariling hukbo ng mga armado.

Ano ang dapat? Paigtingin ang presensya ng pulisya hanggang sa barangay kung saan karaniwang nagaganap ang gulo, kriminalidad at iba pang tawag ng saklolo.

Sa Metro Manila, inilunsad na rin kamakailan ang programang Revitalized Pulis Sa Barangay (RPSB) kung saan nakatakdang ikalat ang mga pulis sa mga mataong lugar – kung hindi man liblib na komunidad.

Higit pa sa kaayusan, angkop din pagtuunan ng PNP ang masamang imahe ng mga pulis sa mata ng publiko, sa paraang paglalapit ng pulis sa mga tao, partikular sa mga barangay na unang takbuhan ng mga nangangailangan ng tulong at mga tawag ng saklolo.

156

Related posts

Leave a Comment