PULPOL NA GAWANG PANINIKTIK

GALIT na galit si Defense ­Secretary Delfin Lorenzana sa pagsasabing ipaliwanag muna ng pamunuan ng University of the Philippines (UP) ang pagkakarekrut ng New People’s Army (NPA) sa mga dating mag-aaral nito bago siya makipag-usap tungkol sa pagpapatigil niya sa umiiral na kasunduan ng UP at ng Department of National Defense (DND) hinggil sa akademikong kalayaan.

Sinundan ito ng paglalabas ng mga pangalan ng mga mag-aaral na nagtapos sa UP kung saan namatay ang iba sa pakikipagbarilan sa mga militar.

Ilan sa mga nabanggit ay sina Atty. Alex Padilla, Elmer Mercado at Behn Cervantes.

Si Padilla ay ilang ulit nang ­naging opisyal ng pamahalaan.

Ang pinakahuli ay pagiging pangulo ng Philippine Health ­Insurance Corporation (PhilHealth) kung saan nasangkot pa sila ni ­dating Health Secretary Janette Garin sa katiwalian na bilyun-bilyong ang halaga.

Malapit ang puso ng kaliwa kay Padilla dahil tutol ito sa paglabag ng mga opisyal ng pamahalaan sa karapatang pantao ng mga pangkaraniwang tao tulad ng kanyang ama na si Senador Ambrosio Padilla.

Ngunit, ang grupo ng kaliwang malapit kay Padilla ay mga komunista at aktibistang kumalas at nag-abandona sa Communist Party of the Philippines (CPP) ni Jose Maria Sison.

Kahit naging malapit sa kanya ang mga kaliwang aktibista, hindi naging gerilya ng NPA si Alex Padilla.

Si Mercado naman ay naging aktibista noong termino ni Pangulong Ferdinand Marcos, ngunit hindi rin ito naging gerilya ng NPA.

Si Mercado ay naging Department of Environment and Natural Resources (DENR) undersecretary sa panahon ni Pangulong Joseph Estrada.

Maraming aktibista na kontra sa ideolohiya at sa estratihiya at taktika ni Sison na kinopya kay Mao Tse Tung ang nagkaroon ng ­posisyon sa panahon ni Estrada.

Si Cervantes naman ay ­progresibong direktor sa pelikulang Filipino.

Ang natatandaan ko ay aktibo si Cervantes sa mga demonstrasyon at kilos-protesta laban kay Marcos.

Kasama niya sina Lorenzo Tañada, Rene Saguisag, Lean Alejandro at iba pa sa pakikibaka.

Hindi naging kasapi ng NPA si Cervantes.

Samakatuwid, hindi siya namatay sa pakikipagbarilan sa mga militar.

Inamin ni Lorenzana na palpak ang impormasyong inilabas ng AFP, partikular ng J-7.

Syempre, nagalit si Lorenzana sa kapalpakan ng AFP.

Alam naman nating lahat na kapag sasabak tayo sa gyera, engkuwentro, o anumang uri ng labanan, ay kailangang armado tayo.

Ang totoo, kailangang kumpleto ang armas, kailangan ding maraming bala at iba pa.

Syempre, kailangang tama at eksakto ang lulusubing kuta ng kalaban upang maipatupad ang misyon.

Kung mali ang impormasyon tungkol sa lokasyon ng kalaban, tiyak palpak ang resulta.

Ang kapalpakan na resulta ng maling impormasyon ay pihadong resulta ng pulpol na pangangalap ng impormasyon.

Mahigit nang 52 taong kalaban ng pamahalaan ang CPP at mahigit 51 taon ang NPA.

Dapat mula noon ay walang ­tigil na nagpakahusay ang “intelligence work” ng DND, AFP, ­Philippine National Police (PNP) at maging ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) laban sa CPP at NPA.

Higit na mahalaga ang mahusay na gawaing paniniktik ng estado sa panahong kumbinsido itong mayroon at malakas pa rin ang kalaban nito.

Katatapos ko lang panoorin ang dokumentaryo ng Netflix na pinamagatang “Spycraft”.

Sa dokumentaryong ito, ipinakita kung paano sumulong, umunlad at nagpakahusay ang iba’t ­organisasyon ng paniniktik ng Estados Unidos, Rusya, Tsina, ­Britanya at Aleman mula noong Ika-19 na Siglo hanggang sa modernong panahon.

Inilatag din kung paano ang paniniktik na ginawa ng elitistang intelligence unit ng Rusya upang maisagawa at magtagumpay ang misyong pinaniniwalaang ipinag-utos ni Putin laban sa kanyang mga kritiko.

Isinalaysay kung paanong nagbago at nagpakahusay sa mga teknolohiya, pamamaraan at diskarte upang magtagumpay ang iba’t ibang pamahalaan laban sa kani-kanilang target sa bawat panahon.

Mapapahanga ka sa husay ng kanilang mga diskarte.

Kahit matagal nang bumagsak at nawasak ang United Socialist Soviet Republic (USSR), ipinagpatuloy ng natirang pangunahing bansa nito na Rusya ang husay sa gawaing paniniktik at “espionage” ng KGB mula 1954 hanggang 1991.

Itinayo ng Rusya ang GRU noong 1992 kapalit ng KGB.

Mula noon, nagpakahusay ang GRU laban sa mga kalaban ng mga pinuno ng Rusya at mga kalabang bansa.

Hindi rin nagpatalo ang Central Intelligence Agency (CIA) sa mga kalabang bansa ng Amerika.

Ganoon din ang Tsina kung saan maging ang sarili nitong mamamayan ay mayroong datos at impormasyon ang pamunuan ng Chinese Communist Party (CCP).

Syempre, napakalaki ng ginagastos taun-taon ng Estados Unidos, Rusya, Tsina, Britanya at Aleman sa gawaig paniniktik at espionage na siguradong hindi nila pinanghihinayangan.

Ilang ulit na binanggit sa ­Spycraft na kapag nabisto ng kalaban ang operasyon ng isang bansa ay binabago ito ng huli.

Naglulunsad sila ng ibang ­operasyon na siguradong naglalaman ng higit na mahusay na mga paraan, gadyet, teknolohiya at iba pang estilo upang magtagumpay.

Napakalaki rin naman ng pondong inilalaan sa gawaing paniniktik ng AFP at ng iba pang ahensiya, kabilang na ang Office of the President (OP), ngunit palpak at mali ang resulta.

37

Related posts

Leave a Comment