ELECTION FEVER SA CALOOCAN NAG-UMPISA NA NGA BA?

NANGANGAMOY eleksyon na ba sa Caloocan City bagaman mahigit isang taon pa bago dumating ang nakatakdang 2022 Presidential at Local Elections.

Nagsimula na kasi ang kalkalan ng mga isyu laban sa mga nakaupong politiko.

Tulad na lamang nitong isyu laban kay Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan na umanoy may kinalaman sa hindi maipaliwanag na pagastos ng pondo sa siyudad.

Ang tinutukoy po ng PUNA ay ang milyun-milyong piso na cash advances mula noong Disyembre 31, 2019 na hanggang ngayon ay hindi pa nali-liquidate ng Caloocan City government.

Ito ay base sa 2019 annual audit report ng Commission on Audit (COA) kung saan ang 53.52% o katumbas ng 50,974.349.08 milyong piso ay hindi umano na-liquidate ng administrasyon ni Mayor Oca.

Samantala ang 46.48% o 44.274,771.77 milyong piso ay sa panahon pa ng dating administrasyon. Ganun?

Kaya pinayuhan daw ng COA ang LGU na padalhan ng demand letter ang mga kawani nito na kapag hindi nag-liquidate ng kanilang cash advances ay maaaring kasuhan sila ng kasong administratibo.

Kung ang binabanggit na pera ay noon pang 2019, ibig sabihin hindi pa kasama dito ang pondong ginamit ngayong may pandemya ng Covid-19.

Mayroon kasing nagsumbong sa PUNA na nakatanggap ng relief goods sa Caloocan na may isang brand daw ng sandinas na ipinamigay ng mga bata ng alkalde nitong panahon ng pandemya na hindi makain ng tao dahil sa sama ng lasa.

Ibig sabihin ay sobrang mababang kalidad ng delata ang ipinamigay ng Caloocan City government sa mga residente na kahit kelan daw ang sardinas na ito ay hindi nakita sa mga pamilihan.

Balik po tayo sa isyu ng ­korapsyon na ipinupukol sa ­administrasyon ni Mayor Oca. Kailangan nilang masagot ito lalo na ni Madam Analiza Mendiola, ang treasurer ng Caloocan City.

May kinalaman man o wala sa pulitika ang paglabas ng isyung ito laban sa kanila, dapat ay magkaroon ito ng linaw ito para sa kapakanan ng mga residente sa lungsod.

Pero, bakit daw ang pinag-uusapan na unliquidated cash advances ay noon pang 2019, nangangahulugan ba ito na hindi nila naaayos ang mga dokumento? May pagdududa tuloy ang iba na baka

wala talagang mga dokumento na magpapatunay na maayos ang paggamit ng milyun-milyong pisong pondo ng lokal na pamahalaan.

Hindi natin mapipigilan na batuhin sila ng isyu dahil ang ­pinag-uusapan ay ang pondo ng gobyerno na nagmula sa buwis ng mga residente ng Caloocan. May pakialam kasi sila sa pera ng Caloocan City government na ­ginagamit ng mga namumuno sa lokal na pamahalaan. Wala namang ­problema na gamitin ang pondo ng siyudad basta i-ayos lang.

Kaya nga po ang pribadong tao kapag pumasok sa gobyerno ay kailangan niyang ideklara ang kanyang aria-arian at pagkakautang, ito yung tinatawag na Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Dito kasi malalaman kung nagpayaman siya, habang siya ay nakapwesto sa gobyerno.

Kung malinis man ang kunsensiya ng isang taga gobyerno, bakit kailangan pa na itago ang isyu?

Ilabas ang mga dokumento at ipaliwanag sa taumbayan na kumpleto ang mga dokumento. Sa ayaw at gusto nila ay obligado silang ipaliwanag kung saan napunta ang ginamit nap era.

Hindi na kailangan pang p­aabutin nang ilang taon para walang lumabas na isyu. At para hindi na rin nating masabi na ito ay isyung pulitika. Alam na alam ninyo na may mga tao na talagang kinakalkal ang mga isyu laban sa mga politico lalo na sa panahon ng nalalapit ang eleksyon.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

37

Related posts

Leave a Comment