PUSONG PILIPINO DAMA SA FIBA WORLD CUP 2023 OPENING

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

DAMANG-DAMA ang nag-uumapaw na suporta ng mga Pilipino sa isinagawang pagbubukas ng FIBA Basketball World Cup 2023 nitong nakaraang Agosto 25 kung saan matagumpay na nakamit ng bansa ang inaasam-asam na record-breaking na bilang ng mga dumalo sa kasaysayan ng FIBA. Ilang linggo bago ang pagbubukas ng internasyonal na paligsahan, nagsaad na ng kumpiyansa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa kahandaan ng bansa sa napakahalagang kaganapan sa Philippine Arena sa Bulacan.

Umabot sa 38,115 ang nanood sa laban ng Gilas Pilipinas kontra Dominican Republic kaya naungusan na ang dating record na 32,616 na fans na nanood sa finals match ng United States at Russia noon 1994 World Cup sa Toronto, Canada.

Nasaksihan, hindi lamang ng mga dumalo sa Philippine Arena, kundi pati na rin ng mga nakasubaybay sa telebisyon at social media ang makasaysayang kaganapan noong Biyernes ng gabi. Mismong si FIBA Basketball World Cup 2023 Chairman Richard Carrion na ang nagsabi na ang tagumpay na ito ay nagpapatunay kung gaano ka-espesyal ang tournament ngayong taon.

Nag-uumapaw ang pagmamahal ng mga Pilipinong tagahanga hindi lamang sa FIBA World Cup, kundi pati na rin sa basketbol na isa sa pinaka-popular na isports sa bansa. Kahit sinong Pilipino, tiyak na may karanasang maglaro o manood ng basketbol dahil bahagi na ito ng ating kultura.

Matagal nang ninanais ng Pilipinas, sa pangunguna ng SBP, na makapag-host muli ng FIBA World Cup, kaya nang masungkit ang oportunidad ngayong taon, kasama ang Japan at Indonesia, matindi at masusing pag-organisa talaga ang ginawa para masigurong magiging makasaysayan ang hosting na ito.

Sa kanyang talumpati sa ginanap na FIBA Hall of Fame Ceremony dalawang araw bago ang pagbubukas ng World Cup, inilahad ni SBP Chairman Emeritus Manuel V. Pangilinan ang kahandaan ng SBP at ng pamahalaan na ipamalas hindi lamang ang galing ng Gilas Pilipinas sa basketbol kundi pati na rin ang taglay na hospitality ng mga Pilipino na mararanasan ng mga dadalo mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nasa 32 na nasyonal na koponan mula sa iba’t ibang bansa ang magpapamalas ng kani-kanilang kakayahan at galing sa basketbol sa paligsahan ngayong taon.

Matindi ang excitement buong araw ng opening day, kaya kahit na natapos ang unang laban ng Gilas Pilipinas sa iskor na 87-81 pabor sa Dominican Republic, hindi naman maikakaila ang tindi ng pagkakaisa at suporta na ipinamalas ng Filipino fans.

“Good game,” ika nga ng marami. “Puso” naman ang sigaw ng mga Pilipinong nanonood ng laban sa Philippine Arena noong Biyernes.

Kahit si Karl-Anthony Towns na naglaro para sa Dominican Republic ay nagpahayag ng pagsaludo sa Gilas Pilipinas at sa Filipinong fans dahil sa nasaksihang galing at pagmamahal hindi lamang para sa basketbol kundi pati na rin sa bansa.

“The people are hardworking and do it with a lot of love. You can see the love they have for this game and their country. So, they came out and they played that way. I respect them tremendously,” ani Towns sa isang panayam.

Bukod sa mga kilalang personalidad sa iba’t ibang larangan, kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa record-breaking crowd na nanood ng laban ng Gilas Pilipinas.

May mga susunod pang mga laban ang Gilas Pilipinas, at marami pang oportunidad ang mga Pilipinong manood sa tagisan ng galing ng mga basketbolista mula sa ibang bansa. Patuloy tayong magkaisa at magpakita ng pagmamahal at suporta sa Gilas at sa bansa hanggang sa finals ng FIBA World Cup na gaganapin sa Mall of Asia. Puso!

381

Related posts

Leave a Comment