PUV CONSOLIDATION DEADLINE ABRIL 30, TAPOS NA!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HUHULIHIN na ang mga traditional jeepney na mamamasada na hindi sumailalim sa itinakda ng pamahalaan na PUV consolidation deadline ngayong Abril 30, 2024.

Nauna nang itinakda ang PUV consolidation noong nakaraang Disyembre 31, subalit ipinagpaliban ito hanggang umabot ngayong Abril 30, 2024.

Inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang rekomendasyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na bigyan ng karagdagang tatlong buwan hanggang Abril 30, para sa consolidation ng Public Utility Vehicles (PUVs).

Ang pagbibigay ng palugit ay para bigyan ng pagkakataon ang hindi pa sumasailalim sa consolidation ng PUV.

Ang layunin ng consolidation ng PUV drivers at operators ay para magkaroon ng kooperatiba o korporasyon, na unang hakbang sa government’s PUV modernization program.

Ngayon hindi na raw magbibigay ng muling palugit sa mga driver at operator para sa PUV consolidation, kaya sa ayaw at sa gusto nila ay ipatutupad na ang programa.

Kaya sa May 1, kung kailan pa man din Araw ng Paggawa o Araw ng mga Manggagawa, ay huhulihin na ang mga manggagawa sa transportasyon, ang mga driver.

Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay tatapatan naman ng mga protesta mula sa hanay ng transportasyon (drivers at operators).

Sinasabi ng mga tsuper at operator, kaya hindi sila sumama sa PUV consolidation ay dahil sa sobrang mahal ng presyo ng modern jeepney (mini bus) na ipinangangalandakan ng pamahalaan.

Tinatayang nasa P2.5M hanggang P3M ang bawat isang unit ng modern jeepney na inaalok ng multinational companies na gumagawa nito.

Ayon sa ilang tsuper na nakapanayam ng PUNA, malamang na hindi pa nila tapos bayaran ang modern jeepney ay sira na ito dahil sobrang mahal kung ikukumpara sa mga traditional jeepney na gawang Pinoy.

Ayaw rin ng mga tsuper at operator na isuko ang kanilang mga prangkisa sa pagsama nila sa PUV consolidation.

Alam kasi ng mga tsuper at operator na kapag sumama sila sa PUV program ay mawawala ang kanilang mga prangkisa dahil sa kanila nakapangalan ang mga ito.

Naniniwala rin sila na kaya umano ipinagpipilitan ng ilang nasa pamahalaan na palitan ng modern jeepney ang kanilang traditional jeepney ay dahil sa malaking komisyon na kikitain ng mga ito. Pera-pera lang ba sila?

Sa ganitong pangyayari, may malasakit pa ba ang pamahalaan sa ordinaryong mamamayan?

-oOo-

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

54

Related posts

Leave a Comment