MERALCO PURSIGIDONG MATIYAK ANG MAASAHANG SERBISYO NG KURYENTE NGAYONG TAG-INIT

Handang rumesponde 24/7 ang Meralco upang siguraduhin ang ligtas at maayos na serbisyo ng kuryente

Ngayong tag-init, mas nabigyang diin ang kahalagahan ng maasahang serbisyo ng kuryente lalo na’t damang-dama ng mga Pilipino ang epekto ng pagtaas ng temperatura sa kasalukuyan.

Base sa datos ng Meralco, ang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, tumataas ng 10 hanggang 40 porsyento ang konsumo ng kuryente tuwing tag-init dahil sa mas madalas at mas matagal na paggamit ng mga cooling appliance tulad ng aircon.

Bagama’t hindi maiiwasan ng karamihan ang mas malakas na konsumo ng kuryente sa ganitong panahon, marami pa ring paraan upang maging wais sa paggamit nito.

Kaya naman aktibong nangangampanya ang Meralco para sa matalino at masinop na paggamit ng kuryente ngayong tag-init. Tuluy-tuloy din ang pagsusumikap ng kumpanya na maipagpatuloy ang paghahatid ng sapat at maasahang serbisyo ng kuryente.

SINGIL NG KURYENTE SA ABRIL BUMABA

Kamakailan, nag-anunsyo ang Meralco ng halos piso o P0.99 kada kilowatt hour (kwh) na bawas singil sa kuryente ngayong Abril. Dahil dito, bumaba sa P10.9518 kada kwh mula P11.94 noong Marso ang kabuuang rate para sa tipikal na residential customer.

Sa isang pangkaraniwang pamilyang kumokonsumo ng 200kWh kada buwan, katumbas ito ng P198 na bawas sa kabuuang bayarin. Kaugnay nito, natakpan ng bawas-singil ngayong buwan ang mga dagdag-singil sa kuryente mula Enero 2024.

Mayroon nang net reduction na mahigit P0.30 kada kwh sa isang pamilya na gumagamit ng 200 kwh. Ang pangunahing sanhi ng bawas-singil sa kuryente ay ang pagbaba ng generation at transmission charges.

Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, nagawang matabunan ng malaking bawas-singil ngayong Abril, ang mga naging pagtaas sa singil ng kuryente nitong nakaraang tatlong buwan.

Sa kabila nito, patuloy nilang hinihikayat ang mga customer na ugaliin pa rin ang maging masinop at matalinong paggamit ng kuryente lalo na ngayong tag-init kung kailan kadalasang tumataas ang demand.

24/7 NA SUPLAY NG KURYENTE TINIYAK

Ang pakikipagtulungan sa gobyerno ay malaking bahagi rin ng mga pagsisikap ng Meralco upang tiyakin ang suplay ng kuryente sa mga customer nito.

Partikular na binanggit ni Zaldarriaga na ang pakikipag-ugnayan sa Department of Energy (DOE) ay mahalaga upang tiyakin ang maayos, maaasahan at patuloy na serbisyo ng kuryente sa mga customer sa panahon ng tag-init.

Nagkakaroon din ang Meralco ng mga bidding na tinawag na Competitive Selection Process (CSP) para sa 400 megawatts (MW) na interim power supply na inaasahang kakailanganin simula ngayong tag-init dahil sa pagtaas ng demand. Ito ay parte ng mga ginagawa ng kumpanya para makapagbigay ng pinakamurang suplay ng kuryente sa mga customer nito.

MGA KUMPANYA HINIKAYAT NA LUMAHOK SA ILP

Binibigyan pansin ng Meralco ang diwa ng bayanihan na mahalaga ang sama-samang aksyon kasabay ng panawagan sa mga marami pang customer na lumahok sa Interruptible Load Program (ILP).

Ang ILP ay isang programa na kung saan ang malalaking customer kagaya ng shopping malls ay gumagamit ng kanilang mga generator set tuwing may insidente ng Red Alert o kapag kulang ang suplay ng kuryente para punan ang demand.

Layunin nito na maiwasan ang mga power interruption sa mga residential customer. Sa ngayon, mayroong higit sa 100 kumpanya na may katumbas na humigit kumulang 500 MW de-loading capacity ang parte ng ILP sa Meralco franchise area.

TIPS SA PAGTITIPID NG KURYENTE

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng Meralco sa Department of Energy (DOE) sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga customer na maging matalino sa paggamit ng kuryente upang matulungan sila kung paano nila pamamahalaan ang kanilang konsumo.

Ito ay base sa Republic Act 11285 o mas kilala bilang Energy Efficiency and Conservation Act na nagtatakda sa energy efficiency at conservation na isang paraan ng pamumuhay sa bansa.

Ang adbokasiyang ito ng Meralco ay upang matulungan ang mga customer nito kung paano maging matipid sa paggamit ng kuryente sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kaalaman at mga impormasyon, lalo na sa panahon ng tag-init.

Sa tulong ng Meralco Mobile Appliance Calculator ay mababantayan ng mga customer ang kanilang konsumo ng kuryente

Hinikayat ng Meralco na gamitin ang Appliance Calculator (AppCal) na matatagpuan sa Meralco Mobile App upang mas mababantayan ng customer ang kanilang konsumo. Ito ay makatutulong upang malaman ang konsumo ng kuryente ng ibat-ibang mga gadget at appliance.

Hindi rin tumitigil ang kumpanya sa pagbabahagi ng mga praktikal at simpleng pamamaraan upang makatipid sa kuryente. Kabilang sa mga ito ay ang pagpili ng size ng aircon unit upang i-tugma sa laki ng kuwartong papalamigin; panatilihin ang temperature setting ng aircon sa 25% at upang ma-maximize ang paggamit, regular na linisin ang filter nito .

Ilagay din sa pinakamahinang lebel ang mga electric fan at regular din itong lilinisin. Bukod dito, kailangan ding iwasang i-overload ang refrigerator,kahit mahigit kalahati lamang ng espasyo ang okupahin upang makaikot ng maigi ang malamig na hangin sa loob nito.

Hinikayat din ang customer na ang mga kagamitan na hindi ginagamit ay dapat tanggalin sa pagkakasaksak, sapagkat ang pag-iwan sa standby mode nito ay nagreresulta pa rin sa pagkonsumo ng kuryente.

Binigyan-diin ng kumpanya na gumamit ng “inverter” appliances dahil ayon sa pag-aaral ng Meralco Lab, makatitipid ng 30% hanggang 64% sa kuryente kung ikukumpara sa ‘conventional aircon units’

Tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga appliance, at ugaliing sundin ang maintenance schedule upang mas makatipid sa kuryente.

Sa panahon ng tag-init, mahalaga na pagsabayin ang masinop at matalinong paggamit ng kuryente upang mas lubos na mapakinabangan ang benepisyo ng appliances para sa mas ligtas at komportableng buhay para sa lahat.

(Joel O. Amongo)

135

Related posts

Leave a Comment