REPORMA SA BUWIS DAPAT TUTUKAN

SA GANANG AKIN

Aprubado na ng Kongreso ang reporma sa buwis na inihain upang matustusan ang pondong kinakailangan para sa mga programang pang-imprastraktura at serbisyong panlipunan ng pamahalaan.

Ang House Bill 4157 o Corporate Inome Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) ay naglalayong dahan-dahang pababain ang singil ng corporate income tax.

Ang CITIRA ay ang bagong bersyon ng Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities (Trabaho) na mula sa 17th Congress. Ito ay nakilala noon bilang TRAIN 2.

Maganda ang iminungkahi nitong si Buhay Hayaang Yumabong (Buhay) party-list Rep. Jose “Lito” Atienza. Ayon sa kanya, hindi na sana kailangan ng ganitong mekanismo para sa pagkalap ng pondo para sa mga proyekto ng gobyerno kung ang mga ahensya gaya ng Bureau of Customs (BOC) ay nakasisingil nang mas tama sa mga nag-aangkat ng produkto mula ibang bansa.

Ang punto ni Atienza, sa halip na kunin sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga reporma sa buwis ang mga kulang na pondo ng pamahalaan, maaari itong kunin sa mga ahensya gaya ng BOC.

Sa punto ni Atienza, mayroong maaaring mapagkuhanan ng pondo para sa mga proyekto ng pamahalaan.

Bagama’t apat na taon na ang nakararaan mula nang maisabatas ang Customs Modernization and Tariff Act, ang inspeksyon sa mga laman ng mga van na may kargang mga produkto sa ilalim ng Seksyon 440 ng nasabing batas, ay hindi pa rin ipinapatupad hanggang sa ngayon.

Sa kalkulasyon ng Presidential Anti-Corruption Comission, ang kabuuang inangkat ng industriya ay umabot sa 9.1 milyong tonelada noong nakaraang taon, na may dalang P2.3 trilyon na kabuuang halaga ng pag-aangkat sa bansa sa nakaraang 10 taon.

Ayon sa mga analista, tinatayang umaabot sa P200 bilyon ang nawawala sa bansa kada taon bunsod ng nangyayaring smuggling.

Malinaw na mayroon tayong sapat na pondo. Hindi na sana kailangang magpatupad ng mga reporma sa buwis. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

351

Related posts

Leave a Comment