RESOLUTION SA KASONG PAGPATAY KINA PERCY LAPID AT JUN VILLAMOR MALABO PA?!

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

MUKHANG wala pa ring hustisya na makukuha ngayong kasalukuyang taon ang pamilya Mabasa at Villamor.

Sa nakalap kasing impormasyon ng inyong lingkod, mga Ka-SAKSI, kasusumite pa lamang ng mga complainant ng kanilang opposition sa mosyon ng kampo ni suspended Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag na mag-inhibit ang Department of Justice Panel of Prosecutors sa pag-iimbestiga sa dalawang bilang ng kasong pagpatay o murder na kinahaharap ni Bantag at iba pa.

Ayon sa ipinalabas na kalatas ng DOJ Panel of ­Prosecutors, matapos na maihain ng mga complainant nitong December 16, 2022 ang kanilang pagtutol sa kahilingan ng kampo ni Bantag, ay kaagad namang naghain ng mosyon ang kampo ng huli na pahintulutan silang makasagot sa opposition ng mga complainant, kung saan ay pinaboran ito ng panel at binigyan ang kampo ni Bantag ng limang araw, upang ihain ang kanilang sagot.

Samantala, binigyan din ng panel ng limang araw ang mga complainant upang ihain naman ang kanilang rejoinder sa sagot ng kampo ni Bantag.

Nakasaad pa sa kalatas ng panel na mayroon man o walang rejoinder na ihain ang mga complainant, ay idedeklara nang submitted for resolution ng panel ang naturang sagutan kung saan inaasahan na sa ikalawang linggo pa ng buwan ng Enero ng susunod na taon ito maipapalalabas.

Samantala, ayon naman sa source ng inyong lingkod, ­tanging ang kampo ni Percival Mabasa at ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), ang naghain ng opposition sa kahilingan ni Gen. Bantag, at hindi na naghain ang pamilya ng “middleman” na si Jun Villamor.

Kuwento pa ng source, batay sa kanyang pagkakaalam, mahigpit ang pagtutol ng mga complainant at iginiit na mayroong kapangyarihan o hurisdiksyon ang DOJ na imbestigahan ang kaso laban kay Bantag et al.

Inaasahan namang magiging pangunahing usapin pa rin sa susunod na taon ang anomang magiging kautusan o ipalalabas na resolution ng DOJ Panel of Prosecutors sa kaso ni Bantag.

Matatandaang inireklamo si Gen. Bantag bilang sangkot sa pananambang at pagpatay kay Percy Lapid o Percival Mabasa sa totoong buhay, makaraan namang kumanta ang ilang inmates na pumatay kay Jun Villamor, ang sinasabing middleman upang paslangin naman si Lapid.

Batay sa NBI at PNP investigation report, si new Bilibid Prison Supt. Ricardo Zulueta ang principal o nasa likod upang paslangin ang person deprived of liberty (PDL) na si Jun Villamor na sinasabing middleman sa pag-ambush at pagpatay kay Percy Lapid.

Si Supt. Zulueta ang sinasabing tauhan ni Gen. Bantag na posibleng susi kung talaga nga bang walang kinalaman si Gen. Bantag sa pamamaslang kina Percy Lapid at Jun Villamor.

Sa pinakahuling ulat sa tunay na kalagayan ni Ricardo Zulueta na sinasabing nawawala, ay nagpakita na ito at nagsalita na rin ang tumatayong abogado ni Zulueta na sinasabing hindi raw nagtatago ang kanyang kliyente, kaya lamang umano hindi ito dumadalo sa ginagawang imbestigasyon ng DOJ ay dahil sa wala pa naman umano itong natatanggap na pormal na subpoena mula sa DOJ.

Kaugnay niyan, hinamon naman ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla si Zulueta na humarap sa isinasagawang preliminary investigation ng DOJ at magsumite ng kanyang kontra salaysay kaysa patuloy na magtatago.

36

Related posts

Leave a Comment