ROTC: Lilikha ng mga bagong lider pero grupo nangangamba

EDITORIAL

SA kabila ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabor siya sa pagkakaroon muli ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program, maraming grupo ang tutol dito.

Naniniwala si Alliance of Concerned Teachers chair Vladimer Quetua na ang pagkakaroon umano ng ROTC ay nangangahulugang maaaring gawing bala ang mga kabataan sa geopolitical conflicts sa bansa.

Ayon kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, ang pagsusulong sa mandatory ROTC sa mga mag-aaral sa kolehiyo ay malaking tulong lalo pa’t kung mailalagay sa isipan at puso ang matinding pagmamahal sa bansa sa harap ng namumuong tensiyon sa pagitan ng Beijing at Manila sa West Philippine Sea.

“Ang pagsusulong sa mandatory ROTC ay hindi tungkol sa disiplina at nasyonalismo kundi sa paghahanda sa ating mga kabataan upang gawing bala sa kanyon sa banta ng digmaan sa rehiyon,” ayon kay Quetua.

Nabanggit din ang kaso ni Mark Welson Chua, isang estudyante sa University of Santo Tomas, na pinatay noong 2001 matapos ibunyag ang korupsiyon sa loob ng ROTC.

Nangangamba ang grupo na ang pagbuhay muli sa mandatory ROTC program ay muling haharap ang mga estudyante sa katulad na panganib.

Hinimok nito ang gobyerno na magsulong ng edukasyon tungkol sa pagiging makabayan na sisikad tungo sa kapayapaan at pagbabantay sa awtonomiya ng bansa nang hindi na iaasa pa sa ROTC.

Sa Kamara, sinabi ni Renee Louise Co, national executive vice president ng Kabataan party-list, kailangang tumuon sa pagbibigay muli ng budget sa mga tinapyasan ng pondo na state universities and colleges (SUCs) sa halip ng pagbalik ng ROTC.

Tinataya ni Co na ang programa ay aabot sa P61.2 bilyon habang 28 SUCs ang nahaharap sa P14.4 bilyong budget cut sa susunod na taon.

Samu’t saring ideya ang naglilitawan, mga grupong tutol sa muling pagkakaroon ng ROTC sa mga paaralan, mga magulang na takot isugo sa giyera ang mga anak na pinagkakaingatan at mismong mga estudyante ay nangangambang baka totoo ang kinatatakutan ng mga ito para sa kanilang kaligtasan.

94

Related posts

Leave a Comment