SAAN AABOT NG P29 KADA KILO NG BIGAS?

AYAW kong isipin na propaganda lang at kasama sa public relations works ang bigas na ibinebenta sa halagang P29 kada kilo para mapatahan ang mga tao at huwag nang singilin si BBM sa kanyang election promise na P20 kada kilo.

Sige, tulungan ang vulnerable sectors ika nga nila, tulad ng senior citizens, solo parents at people with disabilities at bentahan sila ng bigas sa halagang P29 kada kilo, walang problema d’yan pero ilan lang ba sa kanila ang nakabibili ng bigas na ito.

Base sa estatistika mismo ng gobyerno, 9.22 million ang bilang ng senior citizens sa Pilipinas; 15 milyon ang solo parents at 1.4 million naman ang may mga kapansanan kaya ang dapat bentahan ng P29 kada kilo ng bigas ay 25.6 million individuals.

Malamang maliit na porsyento lamang sa bilang na ito ang nakabase o nakatira sa Metro Manila at mayorya sa kanila ay nasa probinsya pero kung palabasin ng gobyerno, lahat sila ay nakabibili ng ganitong kamurang bigas.

Sabi ng gobyerno, 265 ang Kadiwa Center sa buong bansa kung saan ibinebenta ang P29 kada kilo ng bigas, na ang sabi sa social media posts ay maitim na at may amoy na…pero saan-saan ba ang mga Kadiwa Center na ito?

‘Yung mga Kadiwa Center sa Quezon City, ang mga nakabibili ay ‘yung mga malapit lang sa lugar dahil kung mamamasahe pa ang mga nasa malayo ay baka lugi sila kaya ‘yung mga nasa malapit lang ang nakabibili.

Ganyan din sa mga probinsya, mahal ang pasamahe kaya ang nakikinabang ay ‘yung mga nakatira malapit sa Kadiwa Center, kaya hindi lahat ng 25.6 million na mula sa nabanggit na mga sektor ay nakabibili ng P29 kada kilo.

Kung talagang gusto ng gobyerno na tulungan ang mga sektor na ito, maglagay ng mga stall sa lahat ng palengke sa buong bansa na ang ibinebenta lang ay bigas sa halagang P29 kada kilo para makabili ang mga tao.

Hangga’t hindi ‘yan gagawin ng gobyerno ay iilan lang ang makikinabang sa P29 kada kilo ng bigas at malamang ay pare-parehong mga tao ang makabibili n’yan sa pare-parehong lugar lamang. Kawawa naman ang mga taga probinsya.

Tandaan n’yo na kung ano ang presyo ng bigas sa Metro Manila ay kapareho ng presyo sa mga probinsya. May mga pagkakataon pa nga na mas mahal ang bentahan ng bigas sa liblib na mga lugar dahil katuwiran ng mga nagbebenta, mahal ang transportasyon.

Kaya kung talagang nais ng gobyerno na tulungan ang mga sektor na ito, maglagay ng stall sa lahat ng palengke at huwag na silang pahirapang pumunta sa malalayong Kadiwa Centers lalo na’t mahihirapan ang mga ito sa pagbiyahe bukod sa mahal ang pamasahe.

Kung hindi nila gagawin ‘yan, propaganda lang ang P29 na kada kilo ng bigas at walang kasiguraduhan kung hanggang kailan ito magtatagal lalo na kung mauubos ang supply, na ayon sa mga kumalat sa social media ay maitim na ay may amoy pa.

28

Related posts

Leave a Comment