P300K CELLPHONES, LAPTOPS TINANGAY SA GADGET STORE

CAVITE – Tinatayang mahigit sa P300,000 halaga ng mga cellphone at laptops ang tinangay ng ‘di kilalang suspek mula sa isang gadget store sa bayan ng Alfonso sa lalawigan noong Martes ng madaling araw.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek na puwersahang pumasok sa CMIKEE Cellphone and Accessories Store sa Brgy. Lucsuhin Ibaba, Alfonso, Cavite, sa pamamagitan ng pagsira sa padlock ng roll-up door nito.

Ayon sa ulat, bandang alas-3:25 ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang nasabing tindahan.

Natuklasan lamang ang insidente ni alyas “Mariano”, 32, store manager, nang pumasok ito pasado alas-11:00 ng umaga.

Base sa kanilang inventory, kabilang sa mga tinangay ng suspek ang anim na unit ng iPhone, 12 unit ng Oppo cellphone, 1 unit ng VIVO cellphone, 4 unit ng Itel cellphone, 5 unit ng Realme cellphone, 4 unit ng Techno, 5 unit ng Infinix, 2 unit ng Lenovo laptop at 1 unit ng Xiaomi tablet na nagkakahalaga ng mahigit P300,000.

Nagsasagawa na ang pulisya ng backtracking sa closed circuit television (CCTV) para sa pagkakakilanlan at posibleng dinaanan ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)

162

Related posts

Leave a Comment