SAMA-SAMANG AKSYON KAILANGAN PAIRALIN

NAKABABAHALA ang tumaas na kaso ng pagbubuntis sa kabataang edad 10-14.

Sinabi ng Commission on Population and Development (POPCOM) na ayon sa mga istatistika galing din sa Philippine Statistics Authority (PSA), halos mahigit 2,000 ang pagbubuntis sa mga bata na 10-14 anyos.

Nababahala ang Popcom sa nasabing pagtaas ng kaso at naglaho ang panandaliang aliw dulot ng pagbaba ng pagbubuntis ng 15-19 anyos na kabataan, na mula sa 8.6% noong 2017 ay bumagsak sa 5.4% nitong 2022.

Paano tutugunan ng Popcom ang pagbubuntis ng kabataan at ano ang nakalatag na mga programa para tugunan ito?

Kung nabawasan ang pagbubuntis ng 15-19 anyos dahil sa restriksyon noong COVID-19 pandemic kung saan ang karamihan sa pakikipag-ugnayan ay online, nakatatakot na sumirit uli ang bilang dahil malaya na ang mga kabataan ngayong maluwag na ang sitwasyon.

Upang maiwasan ang mga pagbubuntis ng kabataan, ilang mambabatas ang naghain ng magkakahiwalay na panukalang batas na nagtutulak ng komprehensibong pambansang patakaran hinggil dito.

Ayon kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, maiiwasan ang teenage pregnancies sa pamamagitan ng mga estratehiya: age and development appropriate reproductive health (RH) at sexual education, oportunidad sa paggamit ng kontraseptibo ng adolescents, at malawak na legislation.

Ang madaling aksyon? Kailangan ang sama-sama at magkakatulong na hakbang at aksyon ng mga magulang, komunidad, kagawaran ng edukasyon, Popcom at ibang ahensiya na may kapasidad at kakayahang tugunan ang isyu na humihingi ng agarang solusyon.

Aksyon mula sa pamahalaan, na unang dapat magkusang kumilos.

May solusyon sa problema, ngunit sa tingin mo, ano solusyon sa tumataas na kaso ng teenage pregnancy sa bansa?

Nakasalalay rito ang kinabukasan ng mga kabataang babae – na matupad ang kanilang pangarap, na tugon upang mawala ang paikot-ikot na daloy ng kahirapan sa bansa.

124

Related posts

Leave a Comment