SANA ‘DI NA KATATAKUTAN ANG MGA PULIS

DPA ni Bernard taguinod

NAGUSTUHAN ko ang direktiba ng hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Benjamin Acorda Jr., sa mga pulis na ibalik ang tiwala sa kanila ng mga tao upang hindi silang katakutan.

Matagal-tagal na ring nakararamdam ng takot ang mga tao sa mga pulis dahil sa hindi maayos na pakikitungo nila at open secret na kapag pumunta ka sa kanilang istasyon ay ang tingin agad ng ilan sa kanila ay suspek ka.

Karamihan sa kanila ay hindi pinakikitunguhan nang maayos ang mga ordinaryong tao at kung umasta ay mga armadong siga kaya hindi ko masisisi ang mga tao na mawalan ng tiwala at makaramdam ng takot sa kanila.

Kapag may pumalag sa kanila ay nauuwi sa kasuhan at ang lagi nilang depensa ay nainsulto sila dahil tinawag silang “pulis patola” at ang kaso naman nila ay hindi agad nireresolba at kung maresolba man ay pawang pabor sa kanila.

Marami sa kanila ang maayos pero nadadamay dahil sa ilan nilang miyembro na animo’y mga siga at alam ito ni Acorda, kaya ito marahil ang dahilan kaya hinimok niya ang kanyang mga pulis na ibalik ang tiwala sa kanila para hindi sila katakutan.

Kung susundin ng mga lespu ang direktiba ni Acorda, dapat ituloy –tuloy ito kahit wala na sa puwesto ang kanilang hepe dahil karaniwang nangyayari, balik sa dating gawi ang mga tiwali kapag iba na ang kanilang hepe.

Sana rin totohanin ang case build-up sa 3,000 pulis na nasa watchlist dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang kriminalidad tulad ng ilegal na droga, dahil kung hindi ay malabong maibalik ang tiwala ng publiko sa PNP.

One point thirty one percent lang ito sa kabuuang bilang ng PNP forces na umaabot na sa 228,000 pero ang laki ng negatibong epekto nito sa pambansang pulisya kaya dapat silang seryosohin.

Malamang sa malamang, marami sa kanila ang mag-e-early retirement kapag nakatunog sila na kabilang sila sa mahigpit na mino-monitor, para kahit papaano ay makatatanggap sila ng benepisyo.

Ang problema, baka ipagpatuloy ng mga iyan ang kanilang ilegal na gawain tulad ng pagtutulak ng droga kaya ‘yung mga kine-case buildup, huwag payagang mag-retire at ituloy ang kaso hanggang sa sila ay masentensyahan. Ang hirap naman na binabayaran natin ang pensyon at benepisyo nila eh hindi naman sila nagsilbi sa bayan kundi binahiran pa nila ang kanilang organisasyon.

Hindi rin ako nagtataka sa mga report na ‘yung mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga ay dating na-assign sa anti-drug enforcement group ng PNP. Walang ipinagkaiba ‘yan sa mga appointee sa mga ahensya ng gobyerno na nagkakaroon ng negosyo pagbaba nila sa puwesto dahil nakabisado nila ang sistema.

Maraming mga dating secretary, undersecretary, assistant secretary at director ang naging negosyante pagkatapos ng kanilang termino sa puwesto na ipinagkatiwala sa kanila kaya malamang ay ganyan din ‘yung ng mga pulis na pumasok na talaga sa drug trade pagkatapos maging anti-drug agent.

Pero bakit hindi kaya nasagap ng antenna ni dating Pangulong Rodrigo Duterte? Nagkaroon ba ng salaan sa intel report? Mas malala ang mga ‘yan kesa dun sa mga karaniwang tao na pinatay ng riding in tandem dahil sa hinalang gumagamit sila ng ilegal na droga.

152

Related posts

Leave a Comment