Malaking palaisipan sa mga lehitimo at matitinong negosyante at opisyal ng Bureau of Cutoms (BOC) ang biglang pagtigil o pananahimik ni Senator Panfilo “Ping” Lacson kaugnay sa kanyang “exposé” na patuloy ang lagayan at “Tara System” sa ahensya.
Sa exposé ng mambabatas, tinukoy nito ang dahilan kung bakit patuloy na nakakapasok ang mga tone-toneladang basura mula sa ibang bansa, dahil mismong mga tiwaling tauhan ng ahensya ang nagpapalusot. “Hangga’t may mga tumatanggap ng tara at tiwaling tauhan ng ahensya ay hindi mapipigilan ang pagpasok ng illegal drugs at basura mula sa ibang bansa,” pahayag ng senador.
Kung inyong matatandaan nakalusot sa Aduana ang tone-toneladang basura mula sa bansang Canada na halos inabot din ng taon bago ito tuluyang naibalik sa naturang bansa dahil na rin sa pagpupursige ng DENR na maibalik ito sa bansang pinanggalingan kung saan pawang mga hazardous.
Sinabi ni Lacson na bagama’t hindi niya tinukoy na sangkot si BOC Commissioner Leonardo Rey “Jagger” Guerrero sa mga opisyal na tumatanggap ng tara mula sa mga importer broker, pero siniguro nito na karamihan sa mga opisyal ay tumatanggap ng tara.
Nitong nakaraang Lunes, June 25, pinuntahan natin ng personal sa kanyang opisina si Senator Ping Lacson at nakausap ng inyong lingkod kung saan kinukunsidera niya ang lahat ng bagay lalo na ang patungkol sa katiwalian at wala siyang planong tumigil sa kanyang naumpisahang adbokasiya.
Kaya nga ang dapat na buligligin at imbestigahan ay sina BOC Commissioner Leonardo Rey “Jagger” Guerrero at DepCom Ranier Ramiro, hepe ng intelligence ng BOC. Bilang hepe ka ng Customs Intelligence Service, trabaho mo ang bantayan at tiyakin na walang nakakalusot na mga ilegal na kontrabando.
Mabuti pa si Collector John Simon ng Cagayan De Oro, magaganda ang kanyang accomplishment lalo na nang matuklasan nito ang 5,500 metric tons ng basura na ipinasok ng tatlong Koreano sa bansa na sina Chul Soo Cho, alyas Charlie Co, Jae Ryang Cho at Sena Na na kinasuhan na sa korte. Abangan at isusunod naman natin ang mga district port collector na hindi nagtatrabaho at nagpapalawig lamang sa kanilang mga opisina. (Hagupit ni Batuigas / MARIO B. BATUIGAS)
136