KONKRETONG HAKBANG PARA SA KALIKASAN

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAPAKAHALAGANG usapin sa buong mundo ang pangangalaga sa kalikasan at naging mas makabuluhan pa ito sa gitna ng kinahaharap nating El Niño. Pagkatapos nitong magtala ng record-breaking na init sa loob ng isang taon, nagpahayag ang mga eksperto kamakailan na patapos na ito pero dahil na nga sa naranasang matinding init, maaari pang lumala ang mga susunod na El Niño.

Kaya nga kung hindi man natin mapipigilan ang climate pattern na ito, kaliwa’t kanan naman ang ginagawang mga aktibidad para kahit papaano, matugunan ang tumitinding epekto ng climate change.

Dapat nating suportahan ang mga inisyatibang tunay na makatutulong sa pangangalaga ng kalikasan.

Pero kailangan din nating maging mulat sa katotohanang marami sa atin ang nagiging biktima ng mga nagsasalita lamang at walang dalang programa na totoong nakapagbibigay ng solusyon sa mga hamon na kinakaharap natin.

Nakapagtataka nga na napakarami namang mga grupo na nagsasabing maka-kalikasan sila, pero ang ilan sa mga ito ay hindi sumusuporta sa mga programang may kaparehong layunin lalo na’t salungat ito sa paraang gusto nila. Pero bakit ganyan kung talaga namang mayroong benepisyo ang ganito?

Mahalaga ang konkretong mga hakbang para sa kalikasan lalo na’t alam naman nating karamihan sa mga ito ay hindi agad-agad nararamdaman ang benepisyo dahil pamumuhunan ang mga ito para sa hinaharap.

Kaya maganda itong pagtutulungan na kamakailan ay inilunsad ng tatlong malalaking kumpanya sa bansa, kasama mismo ang Department of Environment and Natural Resources o DENR.

Nagsanib-pwersa ang Aboitiz Equity Ventures, Metro Pacific Investments Corporation, at San Miguel Corporation kasama ang DENR at Department of Energy (DOE) para alagaan at protektahan ang Verde Island Passage. Isang importanteng bahagi ng biodiversity ang Verde Island Passage (VIP) na isang 1.4 milyong ektaryang tahanan ng higit sa 1,700 uri ng mga isda at 300 uri ng mga korales.

Nagpapatunay ang Memorandum of Understanding (MOU) na ito ng kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor para sa lipunan. Ipinakikita rin nito ang pagiging responsable ng mga kumpanyang nagsusulong ng clean energy transition at marine conservation.

Kalakip nito ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, mga non-government organization, internasyonal na mga grupo ng pag-unlad, mga eksperto, at mga komunidad. Kasama rin ang planong pagtatatag ng mga Marine Science Research Station upang mapalakas ang siyensya, patakaran at mga praktis na kinakailangan ng industriya, ang pagsisikap sa responsable na pangangasiwa at mapanatili ang access at paggamit ng mga coastal at marine resource ng VIP, at paglikha ng mga plataporma ng mga stakeholder upang tiyakin ang kapakanan ng nakapaligid na mga komunidad.

Bukod sa kalikasan, makikinabang din ang mamamayan sa MOU na ito na naglalayon ding suportahan ang pamumuhay ng mga residente sa mga komunidad na nakapaligid sa VIP. Importante talaga kasi na hindi lamang sa donasyon ang pagtulong.

Mahalagang samahan silang magkaroon ng mas sustainable na pagbabago na tatayo kahit wala nang nagbibigay ng ayuda sa kanila. Diyan na papasok ang mga programa para sa kabuhayan at edukasyon na nagbibigay ng mas maraming oportunidad at pagkakataon sa mga lokal na residente na pagkakaroon ng mas maayos na pamumuhay habang pinapangalagaan ang kalikasan.

Ang pagsasamang ito ay positibong hakbang tungo sa pangmatagalang pangangalaga ng ating likas na yaman. Pinatutunayan nito na posible ang pagtamo ng kaunlaran habang pinoprotektahan ang ating kapaligiran. Ito ay isang malaking tagumpay na hindi lamang para sa ating henerasyon, kundi pati na rin sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Tigilan na ang pagiging negatibo at ang paglalaan ng sobrang daming panahon para atakehin ang mga naglalaan ng oras, serbisyo at resources para mapangalagaan talaga ang kalikasan at tugunan ang tumitinding hamon na dala ng climate change.

Dapat nating bigyang-halaga at suportahan ang mga hakbang na tunay na naglalayong magsilbing inspirasyon sa iba at magtulak sa positibong pagbabago.

31

Related posts

Leave a Comment