SERYOSONG PAGPAPANAGOT SA MGA NAGKASALA

EDITORIAL

IDINEKLARA ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang Chocolate Hills bilang pangatlong National Geological Monument sa Pilipinas noong Hunyo 18, 1988.

Ang Chocolate Hills ay itinuring na protected area mula Hulyo 1, 1997, sa ilalim ng Proclamation No. 1037.

Ngayon, kontrobersya ang umusbong sa paanan ng mga burol dahil sa Captain’s Peak Garden and Resort na malapit sa tanyag na Chocolate Hills sa bayan ng Sagbayan sa Bohol.

Ipinag-utos na ng Department of Environment and Natural Resources ang temporary closure ng resort dahil wala itong ECC o environmental compliance certificate.

Bakit naitayo ang Captain’s Peak Garden and Resort? Pinapayagan kasi ng Protected Area Management Board ng DENR ang mga pribadong may-ari sa nasabing lugar na paunlarin ang kanilang ari-arian para sa turismo.

Ngunit, hindi umano accredited ng DOT ang Captain’s Peak Garden and Resort. Mandatory ang accreditation ng mga pangunahing establisimyentong pangturismo, gaya ng resort.

Hindi lang kakulangan ng ECC ang paglabag ng Captain’s Peak Garden and Resort.

Kulang ito sa ibang kailangan sa pagpaparehistro, tulad ng naglalabas ng tubig na walang discharge permit, hindi nagpatala bilang hazardous waste generator, hindi kumuha ng permit mula sa National Water Resources Board habang naglalagay ng balon sa lugar.

Ang inaabangan ay kung hindi na papayagan ang Captain’s Peak Garden and Resort na ituloy ang operasyon.

Kailangan protektahan at alagaan ang pambihira at istruktura ng kalikasan na kakaiba ang pang-akit.

Hindi dapat sayangin ang tanawing ito na hayaang mapingasan ang ganda dahil sa mga artipisyal na adorno.

Dapat ipatupad ang mahigpit na alintuntuning susundin ng mga pribadong nagmamay-ari habang itinataguyod ang pagpapanatili at preserbasyon ng yaman ng bansa.

Sana ay totohanan ang pagrepaso sa mga paglabag ng nasabing resort at mapanagot ang lahat ng ahensya at indibidwal na sangkot. Kung isa na naman itong ningas-kugon ay umasang mauulit at mauulit sa iba pang sagradong lugar.

52

Related posts

Leave a Comment