KONTROBERSYAL NA RESORT SA GITNA NG CHOCOLATE HILLS

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

MAINIT na usapin ngayon ang isang resort na nakatayo mismo sa paanan ng Chocolate Hills sa Bohol. Bukod sa pagkadeklara ng naturang geopark bilang protected area, nagmukhang eyesore ang resort na nakagagambala sa magandang tanawin na dinarayo hindi lamang ng mga Pilipino kundi pati ng mga dayuhang turista.

Nasa bayan ng Sagbayan ang naturang resort na naging kontrobersyal matapos kumalat sa social media ang promotional video ng naturang lugar para mahikayat ang mga turista na pumunta sa tourist spot.

Kabaliktaran na nga ang nangyari dahil talaga namang negatibong reaksyon lamang sa publiko ang nakuha nito.

Minsan mapapakamot ka na lang ng ulo kung bakit ang mga ganitong bagay ay hindi man lang nila pinag-isipang mabuti bago nila i-post sa social media.

Pero nandyan na nga tayo at itong maling desisyong pag-post nito ang nagdulot para maging mas matunog ang nakababahalang operasyon ng resort na nagtulak naman para maglabas ng pahayag ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Sabi ng Department of Tourism, nagsaad na ito ng pagkabahala sa proyekto noon pang Agosto 2023 at wala ring akreditasyon ang resort.

Ang Senate Tourism Committee naman, magpapatawag na ng imbestigasyon para malaman kung paano nabigyan ng permit ang resort.

Ayon sa Department of the Interior at Local Government (DILG), maaaring papanagutin ang lokal na pamahalaan na pumayag sa pagtatayo ng resort dahil anomang aktibidad na maka-aabala at makasisira sa mga protected area gaya ng Chocolate Hills nang walang pahintulot, ay ipinagbabawal ng batas.

Aalamin kung mayroong kapabayaan at iregularidad ang lokal na pamahalaan na sila mismong unang nagsisigurong napapangalagaan ang mga likas na yaman sa kanilang lugar.

Mayroon naman pala kasing permiso na mag-operate ang naturang resort, pero dahil na nga sa backlash at reklamo, ipinasara muna ito ng Department of Environment at Natural Resources (DENR).

Kinailangan ba talagang magkaroon muna ng ingay bago aksyunan o ma-enforce ang closure order sa mga ganitong nakababahalang proyekto?

Pero dahil pribadong pagmamay-ari naman pala ang lupa kung saan nakalagay ang resort, pwede nga ba nilang i-develop ang lugar sa paraang gusto nila? Mayroon naman sigurong mga batas na naglilimita kung ano ang mga maaari lamang gawin sa lugar na ito.

Paliwanag ng DENR, kung naunang nakuha ang pribadong lote bago naideklarang protected area, kailangan daw kilalanin ang interes ng pribadong may-ari.

Pero pwede naman daw palang patawan ng regulasyon sa kung ano ang pwedeng itayo o gawin dito. Malalaman daw yan sa pagsasagawa ng Environmental Impact Study na kailangang matapos bago maisyuhan ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang resort – na sa ngayon ay wala pa.

Ano ba ang totoong proseso? Bakit nauna ang permit to operate bago makuha ang ECC? Pwede ba talagang mag-operate kahit na may kulang na ECC, kahit na mahalagang permit rin ito para masiguro nga ang magiging epekto nito sa kapaligiran?

Mayroon na ring closure order ang resort noon pa raw Setyembre ng nakaraang taon at notice of violation nitong Enero dahil sa kawalan nga ng ECC.

Talaga bang resort owner lang dapat ang managot? Sino ang naging pabaya na dapat ding managot sa pag-operate ng kontrobersiyal na resort.

Mahabang usapin pa ito, at tiyak maraming pagkukulang pa ang lulutang. Pero sana magsilbi na itong paalala na maganda namang mayroon tayong ginagawa para maisulong ang turismo sa bansa, pero dapat pa ring isaalang-alang na may tamang paraan para gawin ito.

202

Related posts

Leave a Comment