SUSPENSYON KAY MAYOR GUO, KULANG!

RAPIDO NI TULFO

SINAMPAHAN na ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng reklamo ng katiwalian ang kontrobersiyal na mayor ng Bamban, Tarlac na si Mayor Alice Guo.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado sa koneksyon ni Guo sa operasyon ng POGO sa likod ng munisipyo ng Bamban, Tarlac.

Pero kung ako ang tatanungin, dapat ay kasuhan din itong si Mayor Guo ng perjury dahil sa pagsasabi nito ng iba’t ibang statement sa Senate hearing kung saan siya ay ‘under oath’.

Ang kanyang mga sinasabi ay malayo sa inihain niyang mga dokumento katulad na lang ng isinumite niyang birth certificate, kung saan ‘di tugma ang sinasabi niya at sa mga nakasulat doon tungkol sa kanyang mga magulang. Iba-iba rin ang sinasabi niya tungkol sa pinanggalingan ng kanyang mga asset o yaman.

Ang taong nagsasabi ng totoo, kahit baliktarin mo o guluhin mo ang tanong, iisa lang ang isasagot kasi ‘yun ang totoo. Pero ang taong sinungaling, iisa lang ang tanong pero iba-iba ang sagot.

Sa aking opinyon, kulang ang anim (6) na buwan na suspensyon kay Mayora, sa dami ng dokumentong nakita ng Senado at DILG na nagpapatunay ng kanyang koneksyon sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operator).

Sa dokumento noong 2022, lumalabas na si Mayor Guo ang major stockholder ng POGO sa Bamban, Tarlac, pero sinabi ni Mayor na binenta na niya ang kanyang share bago pa siya tumakbo sa pagka-alkalde noong 2022 election.

Nakapagtatakang lahat ng dokumentong nakita sa Baofu compound ay nakapangalan kay Mayor Guo pero sinasabi niyang wala siyang koneksyon sa operasyon ng POGO.

57

Related posts

Leave a Comment