TULUNGAN NYO AKO MAKABALIK SA PILIPINAS

AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

MATINDI ang pakiusap ng ating kabayani na kasalukuyang nasa accommodation ng kanyang ahensya sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon sa ipinadalang mensahe ni Gerald Costales, nakarating siya sa bansang Saudi Arabia sa pamamagitang ng E-GMP International Corporation noong Setyembre 2023 para magtrabaho sa isang restaurant doon.

Naging maayos naman ang kanyang pagtatrabaho roon, ngunit noong Disyembre 2023 ay nagkaroon ng hindi inaasahang pangyayari na naging simula ng kanyang kalbaryo at naging dahilan upang siya ay humingi ng tulong para makauwi na lamang sa Pilipinas.

Ayon kay OFW Gerald, “Nadisgrasya po ako habang nagtatrabaho dito sa aming restaurant, matutulis po kasi ‘yung mga edge ng refrigerator na gamit namin. And then ‘di ko naman po ininda, nung nagkaroon lang po ng symptoms March 2024 na po. Doon na po ako naalarma. Hindi na po gumaling ang bukol. Lumobo hanggang naging bone cyst na po siya. Lumalabo na po ang aking vision, nahihilo at matindi ang sakit ng ulo ‘pag sumumpong”.

Bagaman hindi malinaw sa akin kung ano ang koneksyon ng pagkakauntog ng kanyang tuhod sa paglabo ng kanyang mata, ay atin pa ring binibigyan ng daan ang kanyang kahilingan na maiparating sa kanyang ahensya at sa Department of Migrant Workers ang kanyang sumbong at kahilingan na makauwi na sa Pilipinas.

Ang sumbong at pakiusap na ito ni OFW Gerald ay naiparating na ng AKO OFW kay Secretary Hans Leo Cacdac para sa kaukulang atensyon at aksyon.

Samantala, nais nating iparating sa pamunuan ng Department of Migrant Workers ang ating pagsaludo sa sunod-sunod na pagbabago na pinasisimulam ni Secretary Cacdac kabilang pakikipagpirmahan ng Memorandum of Understanding sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang Land Transportation Office at Department of the Interior and Local Government.

Sa pamamagitan ng mga MOU na ito sa LTO ay maaari nang mag-renew ng driver’s license ang mga OFW kahit saang sulok ng mundo na dati-rati ay laging inaabot ng expiration dahil mare-renew lamang kapag nakapagbakasyon na sa ating bansa.

Kapuri-puri rin ang MOU signing para lubusang ipatupad ang pagkakaroon ng OFW Help Desk sa bawat lungsod o bayan at pati na rin sa mga barangay. Medyo taliwas nga lamang ang paniniwala ng AKO OFW sa pagkakaroon ng OFW Help Desk dahil mas ating isinusulong ang pagkakaroon ng OFW Action Center sa bawat barangay kung saan ang mga OFW at kanilang pamilya ay hindi lamang dudulog o bibisita sa opisina para humingi ng tulong, bagkus kasama na pati ang social services, reintegration and livelihood training program para sa mga OFW at kanilang mga pamilya.

Naniniwala ang AKO OFW na hindi lamang ang paghahanda sa mga humihingi ng tulong ang dapat gampanan ng local government, kundi maging ang pagbibigay ng livelihood program sa sektor ng OFW na lagi na lamang inaasa sa ating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

 

48

Related posts

Leave a Comment