TAKOT LANG ANG CHINA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

PASINTABI sa mga kababayan natin na galit sa Balikatan exercises at karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa Pilipinas, pero ito lamang ang paraan para madepensahan ang ating territorial waters na buong-buong inaangkin ng China.

Mula 1995 o apat na taon matapos mawala ang US Bases sa Pilipinas noong 1991, ay nagsimula nang inaangkin ng China ang Spratly Island at nang maging Presidente si Xi Jinping, lalong lumakas ang presensya ng People’s Liberation Army (PLA) sa West Philippine Sea (WPS).

Walang kakayahan ang ating Sandatahang Lakas para protektahan ang teritoryo natin bagay na sinamantala naman ng China kaya pumasok sila sa loob ng ating 200 nautical miles exclusive economic zone.

Kung tayo ang gumawa niyan sa China, malamang matagal nang nagka-giyera pero dahil sila ang gumawa, mali ang gagawin natin na palakasin ang ugnayang pang-militar sa Amerika para matigil sila sa pang-aangkin sa ating teritoryo?

‘Yung mga tumututol meron bang nagawa para idepensa ang WPS at mapalayas ang China? Wala eh. Hanggang sa protesta lang na hindi naman pinapansin ni Xi Jinping, maging ang Pag-Asa Island na isa nang bayan ng Palawan ay binabakuran na nila.

Natutuwa ang China sa mga protesta laban sa US forces sa Pilipinas dahil sila ang makikinabang kapag na-pressure ang gobyerno na paalisin si Uncle Sam tulad ng nangyari noong 1991 nang putulin ng Senado ang US Bases Agreement.

Kung ang Japan nga na mas malakas kumpara sa atin ay pinayagan ang Amerika na magtayo ng kanilang military base sa Okinawa, tayo pa kaya na wala tayong kapasidad?

Aminin na natin na wala tayong kakayahan at ang tanging pag-asa natin para ipagtanggol ang ating teritoryo sa ngayon ay ang mga kaalyado nating mga bansa tulad ng Amerika.

May nagsasabi pa na dapat tayo mismo ang magtatanggol sa ating teritoryo at hindi kailangang ang ibang bansa pero hanggang kailan eh kasisimula pa lamang ang modernisasyon ng ating AFP at kapag binigyan naman sila ng malaking pondo, ipinoprotesta rin.

Kung wala tayong kakamping magtatanggol sa atin, malayang-malaya ang China na gawin ang gusto nilang gawin sa WPS kaya sila ang naglalagay sa panganib sa ating seguridad at hindi ang kaalyadong mga bansa tulad ng Amerika at Japan.

Kaya nga galit ang China na madadagdagan ang EDCA sites sa Pinas na ang tatlo sa mga ito ay nakaumang sa bunganga ng WPS na gustong angkinin ng China nang buong-buo, dahil may kakampi na tayo.

Saka anong karapatan ng China na magalit? Bansa natin ito, tayo ang masusunod at hindi sila. Sabi nila, huwag daw idamay ang Pilipinas sa kanilang hidwaan. Para ano? Para sila ang magmando sa ating bansa at malayang nakawin ang mga isda at langis natin?

May mga nagsasabi pa na baka madamay tayo kapag nilusob ng China ang Taiwan. Palagay niyo ba hindi tayo madadamay sakaling ang China naman ang maglagay ng kanilang mga kagamitang pandigma sa Pilipinas? Dios Mio.

358

Related posts

Leave a Comment