TALENTO NG PROBINSYANO

HINDI kalayuan sa kabisera ay ang kanlungan ng mga tunay na alagad ng sining. Kung husay lang ang pagbabatayan, malayo ang kanilang ­mararating – ‘yan ay kung mayroon sa kanila ay aagapay.

Ang totoo, mayroon namang mga ahensyang nagsusulong ng sining – ang National Commission for Culture and The Arts (NCCA) at ang Cultural Center of the Philippines (CCP) na kapwa itinaguyod para isulong ang malawak na saklaw ng sining.

Mga artista sa entablado, pintor, manlililok, manunulat, makata, musikero, kompositor, mang-aawit, mananayaw at maging ang mga kabataang rap artists. Ilan lang ‘yan sa mga ipinagmamalaki ng bayan ng Binangonan sa lalawigan ng Rizal.

Ang problema, ‘di nabibigyan ng angkop na tugon ang mga talentong dapat sana’y nagbibigay karangalan sa Pilipinas. Sa isang banda, hindi rin naman angkop na sisihin ang CCP at NCCA lalo pa’t limitado ang kanilang pondo, bukod pa sa hindi naman sining ang prayoridad ng gobyerno.

Nakakalungkot isiping maliit na bahagi na lamang ng mga kabataang Pilipino ang interesado o mulat man lang sa sining. Dangan naman kasi, barya lang ang kinikita ng isang karaniwang alagad ng sining – kesehodang mataas ang antas ng talento.

Buti na lang mayroong grupong sadyang inorganisa at binuo para magsilbing daan sa mga kapwa alagad ng sining patungo sa tamang direksyong hindi rin naman limitado lang sa kasikatan.
Target ng All Binangonan Artists Association (ABAA) ang tumuklas, magsanay at magbigay ng angkop na kaalaman, kagamitan at ang tinatawag na “break” na magdadala sa kanila sa lugar kung saan pwedeng ipamalas ang talento ng mga probinsyano.

Bakit nga naman hindi? Para kay Russel Callanta Ynares, isang musikerong bahagi ng bandang New Direction, likas ang talento ng bawat Pilipino at ‘yan mismo ang kanilang nais pagtuunan ng pansin habang ang marami sa atin ay abala sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Ano naman kaya ang kaibahan ng ABAA sa mahabang talaan ng mga organisasyon ng mga ­alagad ng sining? Aniya, hindi dapat limitado sa mga may pera at sikat ang entablado, bagkus ay dapat bukas sa sinumang may talento.

Ani Russel, wala silang planong sapawan ang CCP at NCCA. Katunayan aniya, mas nanaisin nilang makatuwang ang dalawang ahensyang nabanggit para itulak ang angking sining ng baybaying lokalidad na higit na kilala lang sa bangus at tilapyang huli ng mga mangingisda sa Lawa ng Laguna.

Matapos linangin at pahinugin ang mga talentadong ­probinsyano, sila mismo ang magbibigay ng “gig” sa mga ­talentadong ­musikero, mang-aawit, mananayaw, direktor at iba pang may kinalaman sa entablado.

Para sa mga pintor at manlililok, dadalhin ang kanilang obra maestra sa mga art exhibit kung saan hindi lang paghanga ang kanilang aanihin. Sino ba naman ang hindi bibili ng kanilang obra maestrang balang araw ay papatak na sa milyon.

Ultimo marketing at publicity, sagot din ‘yan ni Russel!

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

99

Related posts

Leave a Comment