TAMANG TAO PARA SA SHFC

PUNA Ni JOEL AMONGO

SA loob ng mahabang panahon, nagpasalin-salin ang administrasyon. Sa tuwing may uupong bagong ­pangulo, ­kabilang ang pabahay sa ­kanilang mga ipinangangako.

Ang totoo, walang dudang hangad ng lahat ng nagdaang pangulo na tuldukan na ang problema sa pabahay, subalit sadyang mahirap humanap ng tamang tao na magsasakatuparan ng programang pabahay ng gobyerno.

Kung pagbabatayan ang datos ng pamahalaan, sadyang nakaaalarma ang antas ng tinatawag na “housing backlogs.” Sa pagtataya ng mga dalubhasa sa loob at labas ng pamahalaan, posibleng pumalo ng 22 milyon (katumbas ng 20% ng ­populasyon) ang “housing backlogs” kung hindi makatitisod ng tamang tao ang butihing ­Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Dangan naman kasi, tila pumalpak ang National Housing Authority (NHA) sa nakalipas na limang taon. Patunay nito ang ­estado sa pananalapi ng NHA.

Sa datos mula mismo sa naturang ahensya, lumalabas na lagpas P8 bilyon ang pagkakautang ng NHA. Ang masaklap, hindi sapat ang P1 bilyong natitira sa nasabing tanggapan para bayaran ang sandamakmak nitong pagkakautang.

Kabaligtaran naman ang tagpo sa Socialized Housing Finance Corporation (SHFC) na nagtrabaho nang husto sa naturang panahon. Sa kumpas ni SHFC president Atty. Arnolfo Ricardo Cabling, agresibong isinulong ang socialized housing projects sa iba’t ibang panig ng bansa.

Walang sinayang na sandali sa pag-ikot at pakikipag-ugnayan sa mga lungsod at munisipalidad para sa isahang pagkilos. Ang resulta – kabi-kabila ang mga proyekto, sa kabila pa ng pananabotahe ng ­pamilyang pasok sa pagpapatayo ng mga ­mamahaling residential ­subdivision.

Sa kanyang pamumuno, humaba ang talaan ng mga naisakatuparang proyektong pabahay. Paglalarawan pa ng mga abang kawani ng pinamumunuang ahensya, “tila ‘di marunong matulog ang de kampanilyang abogado.”

Saad ng isa – “Nu’ng wala pa si attorney sa amin, may oras pa kami mag-relax. Nu’ng dumating siya, puro trabaho na kaming lahat. Hindi kaya ng powers namin ang sipag niyan!”

Nang tanungin kung paano magtrabaho ang kanilang amo, anila ang presidente mismo ng SHFC ang umiikot para mag­hanap ng mga lugar kung saan problema ang matinong pabahay.

Sa ganang akin, kailangan ng pangulo ang isang garantisadong makatutulong sa pagsasakatuparan ng kanyang pangakong disenteng bahay sa bawat pamilyang Pilipino! Walang iba kundi si Atty. Cabling.

Iba ang pakiramdam ng isang pamilya kung mayroon silang maituturing na sariling bahay, nagkakaroon sila ng dignidad at tiwala sa kanilang mga sarili.

At kung magiging maganda ang housing project ng gobyerno ay mawawala ang tinatawag na ‘squatters’ sa sariling bansa.

Sa isang tao, ‘pag tinawag kang sa squatter nakatira ay napakasakit pakinggan at nagpabababa ito ng pagkatao.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amo-ngo@yahoo.com o mag-text sa cel# 0977-751-1840.

58

Related posts

Leave a Comment