HUWAG po kayong maniwala sa text na naglalaman ng inyong pangalan na nag-aalok ng trabaho, pabuya o pera. Ito po ay isang scam. Ito ang text blast ng National Telecommunications Commission (NTC) na huli na sa panahon dahil maging ang mga mambabatas ay nag-iingay na sa pagtunton sa pinagmulan ng panggagantso gamit ang pinakabagong teknolohiya sa internet.
Marami na ang naging biktima, ngunit hindi nabigyan ng solusyon ang mga sumbong.
Kung hindi naging biktima ang ilang mambabatas ay hindi magkukusa ang mga ito na gumawa ng hakbang.
Sa pinakahuling pagtalunton sa pinagmulan ng text scam/spam, may sapantaha na galing sa labas ng Pilipinas ang nasa likod o source ng personalized text scams o unsolicited text messages.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Alexander Ramos, nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang international counterparts para tukuyin kung mayroon silang naitala na magtuturo sa IP address ng destination servers na sangkot sa text scams.
Hindi ito nangyayari sa Pilipinas lang kaya mas malaking imbestigasyon ang gagawin para matukoy ang destination sites.
Matagal na ang ganitong scam. Ang dalawang South Korean national na wanted sa P1 bilyon telephone scam na bumagsak sa kamay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang operasyon sa BF Homes sa Parañaque City ay kabilang sa big-time telephone scam syndicate na kumikilos sa Pilipinas mula 2015 hanggang 2016.
Matagal nang problema ang text scam. Pinabayaan at binalewala lang. Hindi sana lalala kung inagapan.
Habang sinusuri ng ibang mga kagawaran ang ugat ng text scam ay kailangang igihan, linisin at gawing makabuluhan ng mga mambabatas ang panukalang SIM card registration nang hindi na i-veto ng Pangulo at ganap na maging batas.
