TAPUNAN NG TATAY

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HALA, lalong tumitindi ang banggaang Marcos-Duterte.

Bago nagtapos ang nagdaang linggo ay may pasabog na presscon si Inday Sara. Pero ang nakawindang sa netizens ay ang banta niya na kapag hindi raw siya tinantanan ng mga Marcos ay huhukayin niya sa Libingan ng mga Bayani ang diktador na si Ferdinand Sr. at itatapon sa West Philippine Sea.

May patutsada ang isang netizen, take note anya, sa wakas ay nabanggit ni VP Sara ang West Philippine Sea. Kasi nga naman sa mga nagdaang panahon ay tila iniwasan ng Bise Presidente ang isyu na ‘yan.

Pero kung para sa mga DDS ay wagi ang mga litanya ni VP Sara, syempre iba naman ang pananaw ng mga kritiko. Meltdown na raw ang drama. Sabi naman ni Senate President Chiz Escudero ay ‘unbecoming of an official’.

Para naman kay Atty. Leila De Lima, ang Bise Presidente ay ‘a bit unhinged’.

May sagot din ang ibang netizens sa banta ni VP Sara na itatapon sa WPS ang tatay ni Pangulong Bongbong. Go lang daw kasi itatapon naman ni Bongbong ang tatay niyang si Digong sa ICC!

Sige magtapunan kayo ng tatay habang ang mga ordinaryong Pilipino nganga sa gutom na ngayon ay binubusog lang sa ayuda.

o0o

BUSOG SA AYUDA

Gamit na gamit nga ng mga politiko ngayon ang iba’t ibang uri ng ayudang ikinasa ng administrasyon gaya niyang Ayuda sa Kapos ang kita Program (AKAP) na inilaan sa mga indibidwal upang matugunan ang epekto ng inflation sa bansa.

May AKAP para sa mga vendor, tricycle driver, labandera, at iba pang sektor na kumikita ng kapos, pero kapag inurirat ay marami naman ang hindi hikahos.

Kubrador ng huweteng na lang ang hindi ko naririnig na nakatanggap ng payout.

Buhay ang dugo at masigla ang laging nakakasalo ng AKAP.

May AKAP na kaya baka naman mabawasan na ang bilang ng mga kumakalam ang sikmura.

Kambyo tayo sa gutom nang malaman kung ang AKAP ay solusyon sa kahirapan.

Nadagdagan o mas dumami pa ang mga Pilipinong nagsasabing nakaranas sila ng gutom batay sa pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS). Ito na ang pinakamataas na antas ng gutom simula noong pandemya.

Ang involuntary hunger ay yaong nakaramdam ng gutom at walang kahit anong makain nang kahit minsan lang sa nakalipas na tatlong buwan.

Batay sa survey ng SWS, 22.9 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ay nakaranas ng gutom sa nagdaang tatlong buwan, mas mataas ng 5.3 points sa dating survey noong Hunyo na 17.6%, at ang pinakamataas buhat noong 30.7 percent noong Setyembre 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 lockdown.

Lumalabas na halos dumoble ang nakaranas ng gutom sa Mindanao mula 15.7% hanggang 30.7%, gayundin sa Visayas mula 13.7 percent ay umakyat sa 26.0%. Nagkaroon naman ng bahagyang pagtaas sa Metro Manila mula 20.0% umakyat ng 21.7%.

Nagkaroon lang ng pagbaba sa Balance Luzon, mula 19.6% ay naging 18.1%.

Malapit na ang eleksyon at malamang na aagos ang ayuda at aapaw ang biyaya mula sa mga politiko, pero hindi taun-taon ay eleksyon.

Sabi nga ng iba, sisingilin nila ang mga kandidato na may tinitingnan kapag may bigayan. Ekis sa balota, ika nga.

Pero, ang interes at kalagayan ng mga tao ay hindi binibigyang halaga tuwing panahon ng eleksyon lang. Maayos na hakbang at plano para matighaw ang kagutuman ang dapat ilarga ng gobyerno. Puro kasi panandaliang solusyon ang ginagawa ng nasa poder. Kumbaga, patikim lang at ‘di nakabubundat.

Kung parami nang parami ang makararanas ng gutom, aba walang direksyon ang Walang Gutom 2027 ni PBBM.

Hindi kasi inaamin kung ano ang ugat na dahilan ng kagutuman. Alam o ayaw lang lapatan ng remedyo para nga naman laging isipin ng mga naaayudahan na mahal sila ng nagwiwisik ng grasya.

9

Related posts

Leave a Comment