KAILANGAN DIN PAGTULUNGAN ANG SOLUSYON SA TRAPIKO

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NORMAL na usapin ang lagay ng trapiko sa araw-araw, lalo na para sa mga pumapasok sa opisina na kagaya ko. Minsan nga, mas balita pa kung mabilis ang byahe. Kung dati-rati, rush hour lang ang kailangan iwasan, ngayon wala nang pinipili ang rush hour maliban na lang siguro kung pipiliing bumiyahe ng madaling araw o sa mga oras na halos wala talagang sasakyan sa daan.

Para sa napakaraming commuter sa Pilipinas na umaasa sa pampublikong transportasyon sa araw-araw, nakaiinit talaga ng ulo ang matinding trapiko. Sa kabila ng mga proyekto at mga inisyatiba ng pamahalaan, tila hindi pa rin naaabot ang tunay na solusyon sa lumalalang problema.

Isa sa nakikitang mga problema dito sa bansa, partikular sa Metro Manila at ilan pang mga siyudad sa bansa, ang kakulangan ng maayos na mass transit system. Mayroon namang pampublikong sasakyan pero hindi ito sapat sa dami ng taong kailangang bumiyahe sa araw-araw. Isa ito na nais solusyonan ng pamahalaan, kaya may mga proyekto naman na kasalukuyang gumagalaw para sa hinaharap.

Sigurado kung maaayos ang pampublikong transportasyon, mababawasan ang mga taong nagdurusa sa trapiko.

Patuloy rin kasi ang pagdami ng mga sasakyan sa kalsada, na siyempre hindi mo naman masisisi sa mga tao dahil lahat naman tayo gusto lang makarating sa ating mga kailangan puntahan.

Ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. o CAMPI, tumaas ng 2.4 porsyento ang nabentang sasakyan nitong Setyembre kumpara noong parehong buwan ng nakaraang taon. Nasa mahigit 39,000 ito na halos nasa kaparehong lebel kung ikukumpara naman noong nakaraang buwan.

May mga ulat din na pagdating ng 2030, maaaring magdoble pa ang bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila, kaya’t mas kritikal na magkaroon ng totoo at agarang solusyon sa problema sa trapiko.

Maraming tao ang nagdedesisyon na magdala ng sariling sasakyan dahil sa kakulangan ng komportableng alternatibo. Sa kasalukuyan, hindi sapat ang pampasaherong jeepney, bus, at tren na wala ring maayos o naka-fix na schedule. Kaya siyempre, mga pribadong sasakyan ang nagiging ‘default’ ng mga may kakayahan.

Hindi naman tayo kulang sa mga proyekto, pero siguro talagang masyado nang maraming tao at nasa “catch up” mode na tayo dahil matagal nang kailangan ang mga proyektong ito, at hindi madaling maipatupad.

Pero isa pa sa talagang nagpapalala sa problema sa trapiko ang kawalan ng disiplina sa kalsada. Maraming mga motorista ang hindi sumusunod sa traffic rules. Nariyan ‘yung mga hindi nag-overtake sa tamang linya, may mga nagba-bypass sa mga stoplight, at may mga masyadong agresibo sa pagmamaneho. Ultimo ang pedestrian ay madalas tumatawid sa kalsada kahit walang pedestrian lane, at ang mga pasahero naman, pumapara, nagpapababa o sumasakay kung saan lang magustuhan.

Aminin man natin o hindi, nakakaapekto rin ang ganitong mga gawain sa pagkaantala sa daloy ng trapiko at nagdudulot ng banta sa kaligtasan dahil maraming pagkakataon na nagreresulta ang mga ito sa aksidente.

Kaya nga nariyan na nagrereklamo tayo sa kawalan o kabagalan ng paggalaw ng mga proyekto ng pamahalaan, pero dapat makiisa rin tayo at maging bahagi ng solusyon.

Sigurado, hindi ‘yan mareresolba overnight pero kailangan ng mas malalim na pagtingin at long-term na plano na kailangan ng kooperasyon ng lahat. Bukod sa pagpapabuti ng public transportation systems at pagkakaroon ng iba pang alternatibong modes of transportation tulad ng bike lanes at pedestrian walkways, importante rin na higpitan ang pagpapatupad ng mga batas trapiko.

Kailangang magtulungan ang gobyerno, lokal na pamahalaan, at ang mga motorista at mga residente upang makamit ang mas maayos na daloy ng trapiko.

40

Related posts

Leave a Comment