TRADITIONAL JEEPNEY WAWALISIN NA SA ABRIL 30

PUNA ni JOEL O. AMONGO

LIBO-LIBONG tsuper at drayber ang mawawalan ng kita matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na wala nang atrasan ang deadline ng consolidation ng public utility vehicles (PUVs).

Kamakailan inihayag ni Pangulong BBM na hanggang Abril 30 ang deadline para sa consolidation ng PUVs.

Nasa 38,000 mula sa mahigit 150,000 PUVs ang hindi pa sumailalim sa consolidation.

Dahilan ng mga hindi sumasailalim sa PUVs consolidation ay mawawalan sila ng prangkisa, at mahal na presyo ng modernong dyip na mahigit sa dalawa hanggang tatlong milyong piso.

Nauna nang sinabi ng gobyerno na kapag sumailalim na sa consolidation ang PUVs sa bansa ay mawawala na sa kanila ang sarili nilang prangkisa.

Gagamitin na lang umano ng mga modernong dyip ang prangkisa ng kanilang kooperatiba na kanilang sasamahan.

Kailangan kasi ng bawat tsuper/drayber ng PUVs sa sumama sa mga kooperatiba para makautang sila ng modernong dyip sa mga bangkong pinaglagakan ng pondo para sa modernisasyon ng traditional jeepney.

Na-PUNA natin na imbes na lahat ng mga PUV ay sumama sa nasabing consolidation ay nabawasan pa dahil ang ilan sa mga nakakuha ng modernong dyip ay nagsisi dahil sa pangamba na hindi nila mabayaran ito sapagkat sobrang mahal ng presyo nito.

Lalo na ang mga may ruta ng mga traditional jeepney na mahina ang pasada.

Bilang tugon ng mga tsuper at drayber ay nagsagawa ng tigil pasada ang PUVs nitong Lunes at Martes sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nangako naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na magpapalabas sila ng mga bus para hindi mahirapan ang mga mananakay sa pagpasok sa kani-kanilang mga trabaho.

Nakatanggap ng impormasyon ang PUNA na kaya ipinagpipilitan ng ilang nasa gobyerno ang modernisasyon ng traditional jeepney dahil umano sa komisyon ng mga ito.

Nais kasi nilang ipalit sa traditional jeepney ay ang modern jeepney na hindi matatawag na dyip kundi isang mini-bus na gawa ng multinational companies.

Ayon naman sa ilang nakapanayam na tsuper ng traditional jeepney, imbes na i-upgrade na lang ang kanilang kasalukuyang dyip para makatipid sila ay pinipilit silang magpalit ng modern jeepney na sobrang mahal ng presyo nito.

Sinabi pa nila na magagamit pa sana nila ang ibibigay ng gobyernong subsidy sa bawat PUVs na sasailalim ng consolidation.

Anila, malaking tulong sa kanila ang ibibigay ng gobyerno na subsidy para sa kanilang pag-upgrade ng kanilang traditional jeepney.

Ay naku! kawawa ang ordinaryong lahi ni Juan dela Cruz, laging huli pagdating sa benepisyo.

oOo

Para sa sumbong, mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

45

Related posts

Leave a Comment