TULONG PINANSIYAL PARA SA MGA MAGSASAKA’T MANGINGISDA

PUNA Ni JOEL AMONGO

SINASABI nila na ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ay makatutulong sa kalakalan sa mga miyembro nito katulad ng Pilipinas.

Kaya sumama ang Pilipinas sa RCEP ay para makatulong daw sa mga magsasaka at mangingisdang Pinoy, sana nga.

May 15 bansang kasapi ng RCEP na lahat ay mga miyembro ng ASEAN, ang ASEAN Plus Three (mga bansa sa Silangang Asya na may pormal na economic cooperation sa ASEAN) at malalaking bansa sa Oceania.

Malaki raw ang pakinabang ng Pilipinas dahil malaking merkado ito para sa ating mga magsasaka at mangingisda.

Una, sa mga isda pa lang kinakapos na tayo mula sa mga huli ng sariling nating mangingisda.

Baka nakalimutan n’yo na hindi na nga masyadong makapanghuli ng isda sa West Philippine Sea dahil okupado ito ng malalaking barko ng China.

Pangalawa, anong suporta ang tinatanggap ng mga mangingisdang Pinoy mula sa ating gobyerno para masabi nating kaya nilang makipagsabayan sa mga bansang miyembro ng RCEP?

Mas lalong hindi kayang makipagsabayan ang mga magsasakang Pinoy sa mga bansang miyembro ng RCEP.

Sa 15 bansang kasapi ng RCEP, pawang mga makabago na ang kanilang pamamaraan ng pagsasaka at pangingisda dahil suportado sila ng kani-kanilang gobyerno.

Kaya ang nangyayari ngayon puro tayo importasyon, magkaroon man tayo ng eksportasyon kakarampot lang.

TULONG PINANSYAL

May natanggap tayong impormasyon na may solusyon sa problema na ‘yan ng mga magsasaka at mangingisda.

May alok na tulong na maikokonsidera bilang “non-recourse funds” na maaaring magamit sa ating bansa para sa mga aspetong panglipunan at pangkawanggawa (social humanitarian projects).

Sa puntong ito ay maaaring gamitin bilang gabay ang mga pangangailangan ng isang bansa na naaayon sa itinakda ng 17 UNSDG (United Nation’s Sustainable Development Goals).

Ang kinatawan sa Pilipinas ng sinasabing “non-recourse funds” ay sumulat na kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamamagitan ng Office of the Department of Finance (DOF) Secretary noong Disyembre 21, 2022, subalit mula noon hanggang ngayon ay walang linaw na sagot mula sa gobyerno.

Hindi rin nila alam kung nakarating ba kay PBBM ang kanilang liham para sa nasabing pondong nakalaan na sapat na para makatulong sa mga magsasaka at mangingisdang Pinoy.

Kung talagang gusto n’yong matulungan ang mga magsasaka at mangingisdang Pinoy ay bigyan n’yo sila ng suporta hindi lang sa salita kundi sa financial.

Hayan na, may nakaabang nang pondo na maaaring magamit sa kanila, nasa administrasyon na ang bola kung tatanggapin nila ang alok o hindi.

‘Pag pinalagpas n’yo pa ‘yan, wala nang kasunod nyan. Esep-esep din minsan para kapakanan ng taumbayan.

Wala rin tayong hangad kundi umahon na ang Inang Bayan.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

184

Related posts

Leave a Comment