POGO BILANG ‘NATIONAL THREAT’ SINISILIP NG AFP

NAKATUTOK ngayon ang militar at pulis sa mga nasamsam na Chinese military uniforms sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) firm sa Porac, Pampanga na ni-raid ng mga awtoridad kamakailan.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) posibleng ginagamit o gagamitin ito ng ilang indibidwal para sa paghahasik ng karahasan o pananakot subalit hindi para sa paghahanda sa posibleng pagsalakay sa bansa.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margaret Padilla, posibleng ang mga nasamsam na Chinese military uniform ay gagamitin sa panloloko at iba pang online scam.

“The presence of Chinese military uniforms may likely be used as props in these illicit online transactions. The limited number of PLA uniforms found suggests they are more indicative of use in deceptive activities rather than any preparation for an invasion,” paliwanag ni Padilla.

Nakikipagtulungan na ang AFP sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa pagkakadiskubre ng iba pang kagamitan sa pasilidad ng POGO sa Porac scam hub.

Habang isinusulat ito ay hindi pa naglalabas ng panig ang China Embassy sa mga nadiskubre military uniforms umano sa loob ng sinalakay na POGO.

Kamakailan ay nadiskubre ang umano’y digital camouflage uniform na may mga butones na may nakalagay na inisyal na “P.L.A.” na pinaghihinalaan ng mga awtoridad na maaaring tumutukoy sa People’s Liberation Army na isang armadong organisasyon ng Chinese Communist Party (CCP) at ang pangunahing puwersang militar ng People’s Republic of China.

Kaugnay nito, iimbestigahan ng PAOCC kung mayroong Chinese military personnel sa bansa na posibleng nagpapanggap bilang mga empleyado ng POGO.

Isang senior military officer naman na tumangging magpakilala ang nagsabi na hindi ito palalagpasin ng militar at masusi itong tutukan ng kanilang intelligence network, maging ng Philippine National Police (PNP).

Hindi ako protektor – Porac Mayor Capil

Samantala, itinanggi naman ni Porac Mayor Jaime Capil ang akusasyon na siya ay protektor ng ilegal na operasyon ng POGO sa kanyang bayan.

Itinanggi rin ni Capil na pag-aari niya ang lupa kung saan nakatayo ang POGO firm at tinawag ding fake news ang nagbalita nito.

Dagdag pa ni Capil na ang compound ay nakakuha ng building permits para sa mga pagpapatayo ng gusali ngunit pinagbawalan ang municipal government na pumasok sa kanilang POGO compound para sa inspeksyon noong Mayo 3.

Una nang nakumpiska sa ilang araw na paggalugad ng mga awtoridad sa POGO hub ang daan-daang cellphone at mga computer sa Lucky South 99 compound, nasamsam din ang nasa P600,000 cash, hinihinalang mga iligal na droga at mga alahas.

Exploitation, Torture

Nadiskubre ng mga awtoridad ang umano’y exploitation at torture sa Lucky South 99 villas sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa POGO hub sa Porac, Pampanga.

Ang nasabing villas sa loob ng isang compound ay pag-aari umano ng principal figures o “big bosses” at tirahan din ng kanilang pamilya, batay sa nadiskubreng mga ebidensya.

Bukod sa mahigit isang dosenang computer units sa apat sa siyam na villa, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang tinatayang 20 sex toys, kabilang ang lingerie, vibrators, at anal irrigators.

Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na ginagamit ang mga ito para sa sex trafficking at exploitation ng mga babaeng empleyado na hindi naabot ang kanilang lingguhang quota.

Noong Linggo, natuklasan din ang mga karagdagang gamit pang-torture tulad ng electric rods, metal sticks, at baseball bats.

Nakakita rin ang mga awtoridad ng mga sachet ng hinihinalang shabu at mga mantsa ng dugo sa mga punda, unan, at sahig sa dalawang kuwarto, na nagpapahiwatig ng posibleng torture rooms ito para sa mga lalaking empleyado na hindi nakatutugon sa kanilang lingguhang quota.

Sa kasalukuyan, 22 gusali, kabilang ang mga villa, ang nasiyasat na ng mga awtoridad, at may natitirang 24 gusali pa na kailangang imbestigahan. (JESSE KABEL RUIZ/NILOU DEL CARMEN)

37

Related posts

Leave a Comment