VOTE BUYING

SIDEBAR

Ipinagbabawal ng Omnibus Election Code ang pamimili ng boto ng mga kandidato o mga taga-suporta nito pero sa kabila ng pagiging ilegal ng vote buying ay palasak pa rin ito tuwing panahon ng eleksyon.

Diskwalipikasyon ng kandidato ang pinakamabigat na parusa sa vote buying pero i­lang eleksyon at presidente na ang nagdaan ay wala ni isang kandidato ang nadiskwalipika o natanggal sa puwesto dahil sa pamimili ng boto.

Mismong ang Commission on Elections ay aminado na kahit may mahuling umano’y mga namimili ng boto ay mahirap itong mapatunayan kung walang mag-aakusa na mga botante na binibili ang kanilang boto.

Isang halimbawa rito ang ginawang pag-aresto ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa 10 tagasuporta ni Cavite gubernatorial candidate na si Jonvic Remulla na ayon sa CIDG ay nahuli sa aktong namimili ng boto sa Barangay Zapote 5 sa Bacoor City.

Nakuha sa mga suspek ang maraming piraso ng maliit na brown envelope na naglalaman ng tig-200 pesos at ang kabuuang halaga ay P75,800 at maliban dito ay may nakumpiska ring perang nagkakahalaga ng P83,500 at isang plastic bag na naglalaman ng mga campaign paraphernalia gaya ng pulang wristbands at dalawang campaign t-shirt na may nakasulat na “Tapat sa Bayan, Tapat sa Usapan Jonvic Remulla Gobernador at Jolo Revilla Bise Gobernador” samantalang sa likod ay nakasulat ang “Wow Pilipinas.”

Natural lang na pasubalian ni Jonvic Remulla ang akusasyon ng vote buying sa pagsasabing gagamitin ang naturang pera para sa transportation allowance ng poll watchers na magbabantay sa mga presinto sa araw ng eleksyon.

Posibleng may katotohanan ang sinasabi ni Remulla at mas magiging totoo ang kanyang pahayag kung maipapakita niya ang mga litrato ng kanyang poll watchers na sumasailalim sa training.

Si dating Cavite Gov. Ayong Maliksi ang pinakamabigat na kalaban ni Remulla sa pagka-gobernador. Bagama’t lamang si survey si Remulla na dating two-term governor, natural lang sa mga politikong gaya niya ang magsiguro kaya kung may oportunidad na mag-special operation gaya ng vote buying, handang gawin ito ng kanyang kampo.

Pero sabi nga ni Comelec spokesman James Jimenez, wala pang diskwalipikasyon na magaganap dahil dadaan pa ito sa proseso at matagal ang proseso sa Comelec kaya nga hanggang ngayon ay wala pa itong desisyon sa disqualification cases kina Senador Koko Pimentel at dating Senador Serge Osmeña.

Paliwanag ni Jimenez: “Sa ngayon po kailangan nating hintayin ‘yung resulta ng imbestigasyon na naganap doon. Unang-una, wala naman kami roon sa pinangyarihan ng panghuhuli so again, umaasa tayo sa investigation. We expect talaga na may defense ang partidong inaakusahan so hindi na ‘yan kakaiba sa atin pero kailangan, para maging fair tayo sa lahat, kailangan nating tingnan. Baka naman totoo ‘yung paliwanag.”

Kadalasang nagaganap ang vote buying sa huling linggo bago ang eleksyon at kadalasan nga ay nagbabakasyon ang gobernador, congressman at mayor para mas malaki ang perang ibibigay at para rin matiyak na hindi madodoble ang ibibigay ng mga operator.

Tukoy ang mga barangay sa mga lokalidad kung saan nabibili ang mga boto ng mga residente sa pamamagitan ng mga point man na kadalasan ay mga kapitan ng barangay na kaalyado ng bumibili ng boto.

Magkabilang partido ay nagsasagawa ng vote buying kung kaya walang nag­rereklamong politiko dahil lahat ay gumagawa nito basta may nakalaan na pondo. Kung may matatalong kandidato dahil walang pambili ng boto, kasalanan niya kung bakit siya natalo at hindi puwedeng isisi sa vote buying na matagal nang kalakaran. Nakakalungkot nga lang ang ganitong sistema.(Sidebar / RAYMOND BURGOS)

171

Related posts

Leave a Comment