WALA KASING TIWALA SA MGA POLITIKO

DPA ni Bernard Taguinod

HINDI popular ang Charter Change (Cha-Cha) dahil walang tiwala ang sambayanang Pilipino sa mga politiko kahit pa idaan ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConCon).

Ang problema, kahit walang tiwala ang Pinoy sa mga congressman ay patuloy pa rin nilang inihahalal ang mga ito dahil siguro wala silang choice o kaya nagkakaroon ng bilihan ng boto kapag panahon ng eleksyon.

Nakasaad sa resolusyon na inaprubahan ng Kamara, na ang ConCon delegates ay dapat siguraduhin na walang koneksyon sa mga pulitiko lalo na sa political parties at malalaking grupo tulad ng mga negosyante para hindi sila maimpluwensyahan sa kanilang desisyon.

Parang suntok sa buwan ito dahil saan kukuha ng pondo ang ConCon candidate para mangampanya sa congressional district? Siguradong hihingi ‘yan ng tulong pinansyal at ang mga magbibigay lang sa kanila dyan ay ang mga pulitiko at mga negosyante.

‘Yung mga gustong kumandidato nga sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa October 30, 2023 ay nagpaparamdam na ngayon pa lamang eh para humingi ng pondo kung kani-kanino lalo na sa mga pulitiko, ‘yun pa kayang ConCon candidates na district wide ang kampanya?

Kapag nangyari ‘yan, baon na agad na sila sa utang na loob at maaari na silang diktahan ng tumulong sa kanila sa kampanya kaya malabong walang impluwensya ang mga pulitiko at malalaking negosyante sa kanila.

‘Yung House Bill (HB) 7352 na accompanying bill ng Resolution of Both Houses (RBH) No.6 na gagawing hybrid ang ConCon…ibig sabihin mag-a-appoint ang Pangulo ng Pilipinas, Senate President at Speaker of the House ng 20% sa delegado mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, tingin n’yo ‘di sila maiimpluwensyahan ng kanilang appointing officials?

Utang na loob nila ang kanilang appointment sa ConCon kaya malabo pa sa sabaw ng pusit na hindi sila susunod kung ano ang gusto ng kanilang appointing officials. Imposible ‘yan!

Kaya walang tiwala ang Pinoy kahit pa daanin sa ConCon ang pag-amyenda sa Saligang Batas, dahil tiyak na mangingibabaw ang interes ng mga mas nakakaangat at maimpluwensya kahit magkaroon tayo ng bagong saligang batas.

Kung talagang nais ng mga pulitiko na magbago ang political landscape sa Pilipinas, dapat gumawa na sila ng batas noon pa para mapatatag ang probisyon sa saligang batas na nagbabawal sa political dynasty pero 36 taon na ang 1987 Constitution pero walang naipasang batas?

Marami ang nagsasabi na hindi ang Saligang Batas ang dahilan kung bakit nananatiling third world country ang Pilipinas kundi dahil sa mga nagpapatakbo sa gobyerno.

May kasabihan nga na kahit bihisan mo pa ang unggoy, unggoy pa rin iyan kaya kahit amyendahan ang saligang batas kung pare-parehong pulitiko ang nagpapatakbo sa gobyerno at nagpapalitan lang sila, walang mangyayari dyan.

Pero may pag-asa para maibalik ang tiwala ng bayan sa mga pulitiko… gumawa ng enabling law na bawal ang political dynasty. Kapag ginawa n’yo ‘yan…papalakpak kami.

172

Related posts

Leave a Comment