WALA NANG GUTOM NA PILIPINO… SANA

PARUNGGIT bang maituturing ang HAPAG KAY BBM, na inilunsad bilang asalto ng pangarap ng administrasyong Marcos na sana ay wala nang gutom na Pilipino?

Ang HAPAG KAY BBM ay akronim ng Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay Kadiwa’t Yaman Plants for Bountiful Barangays Movement. Sa pagbubukas nito ay ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi nila pababayaan ang kanilang mga kababayan at pangarap na sana ay wala nang gutom na Pilipino.

Ito ay joint program ng Department of the Interior and Local Government at ng Department of Agriculture upang madagdagan ang supply ng sariwang prutas at gulay sa mga pook urbano.

Kapag kinapa sa alaala, ang HAPAG KAY BBM ay maliit na kahalintulad ng Green Revolution noong dekada 70.

Kakulangan sa pagkain din ba ang rason kaya inilunsad ang Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay?

Ang kakulangan sa pagkain ay nilalapatan ng malawakang solusyon at hindi nakakulong sa mga urbanong pook.

Hindi ipinapasa sa inisyatibo, kapasidad at kakayahan ng mamamayan ang katuparan ng pangarap ng administrasyon, bagkus, ang pangarap ng publiko ang nararapat na matupad sa tulong at suporta ng pamahalaan.

Ang HAPAG KAY MARCOS ay lihis sa direksyon ng daan tungo sa wala nang magugutom na Pilipino.

Panandalian lang ang remedyo nito. Walang nang mapagtaniman ang nasa urban communities, at kung mayroon man, ang aanihin ay hindi agad na mapipitas kaya kailangan pa rin ang nabibili sa merkado.

Kung walang gutom ang pangarap, ituon ito sa malaking anggulo – ang suportahan ang mga magsasaka, kontrolin ang pagtaas o kung pwede ay ibaba ang presyo ng abono at pangontra sa mga peste. Sa taas ng presyo ng abono at pesticide, nagkakaletse-letse ang mga taniman, na dadagdagan pa ng murang bentahan ng produkto habang nasa gitna ng pataas nang pataas na presyo ng ibang bilihin.

Ang mahirap ay dadausdos pa sa kahirapan.

Isipin ang sustainable na mga proyekto, hindi ang pansamantalang remedyo. Ginagawa na ng iba ang urban farming. May tinatawag pang vertical garden para sa walang espasyong lupa na tataniman. Dito ba kumuha ng ideya ang nasa likod ng HAPAG?

Kung itutulak ang sariling sikap na adhikain para magkaroon ng sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat, ano ang silbi ng mga ahensya sa pagpapalago ng agrikultura?

Para na rin umaalingawngaw ang ‘kaya ikaw Juan magsumikap ka” habang ang mga nasa itaas ay bastante sa karangyaan.

177

Related posts

Leave a Comment