CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SINAGASAAN ng mga batikos si Department of Transportation (DOTr) Command and Control Operations Center chief Charlie Del Rosario sa ginawa nitong paghikayat sa publiko na gumamit ng mass transportation para lumuwag ang daloy ng trapiko.
Kailangan daw ng paradigm shift, o yaong pagbabago ng kaisipan na imbes na gumamit ng pribadong sasakyan ay mass transportation na lang.
Banat ng isang netizen, matagal nang gumagamit ng mass transport ang publiko. Hindi sila ang problema, at ang problema sa trapiko ay bunsod ng hindi pagbibigay ng prayoridad sa mass transport sa lansangan.
Patutsada pa ng ilan, gusto ngang gawin ng DoTr at LTFRB, i-phaseout ang mga jeep tapos ituturo ang mass transport.
Panawagan ng publiko na magkaloob muna ang gobyerno ng mabisa, ligtas at maayos na sistema ng mass transport bago manghikayat na igarahe muna ang pribadong sasakyan.
Inamin nanan ni Del Rosario na may mga major public transportation projects ang gobyerno tulad Metro Manila subway MRT-4 extension na makatutulong para mabawasan ang paggamit ng mga pribadong sasakyan, ngunit hindi madaling gawin at hindi magagawa sa isang upuan lamang.
Hindi maiibsan ang mabigat na trapiko kung hindi pagtutuunan ng atensyon ang traffic management at ibang uri ng transportasyon.
Kaya ang iba ay humanap ng ibang paraan gaya ng paggamit ng pribadong sasakyan dahil kulang ang mass transport systems. Dumadagdag pa sa problema ang mga politiko at iba pang VIPs na animo’y mga hari ng lansangan.
May tagahawi pag sila’y dumaraan kaya obligadong magsitabi ang kanilang mga nakakasabay. Sila lang ang hindi apektado sa traffic.
Kapos na nga sa pampublikong sasakyan tapos, mawawala pa sa kalsada ang mga jeep.
Teka, nanawagan ang DOTr sa publiko na gumamit ng mass transport, pero ayon sa LTFRB ay kailangang bawasan ang bilang ng public utility vehicles (PUVs) na bumibiyahe sa mga lansangan sa Metro Manila.
Paliwanag ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, batay sa mga pag-aaral na isinagawa nila, nakikita nila na may sobra sa bilang ng PUVs.
Walisin na ang mga jeep at babawasan ang PUV ang solusyon sa malalang trapiko?
Nalilito na ang mga komyuter sa mga plano ng otoridad ng transportasyon.
Lalong nahihilo ang publiko sa tindi ng trapiko na lulusutan nila. Pero ang daming palusot ng gobyerno.
120