‘OVERHAUL’ SA NBP TINIYAK  

titosotto

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

KUMPIYANSA SI Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na matutuloy ang overhauling sa New Bilibid Prisons (NBP) matapos ang mga pagbubunyag sa Senado hinggil sa mga sinasabing iregularidad sa kulungan.

Sinabi ni Sotto na isa na rin sa napag-usapan nila ni Senador Bong Go na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak sa lahat ng opisyal at kawani ng ahensya.

“Sabi ko kay (Sen) Bong Go na sabihin kay Presisdente na walang matitirang nakatayo doon. Ibig sabihin tatanggalin lahat , overhaul yan,” saad ni Sotto sa panayam sa DWIZ.

Sa mga hearing ng Senado, nailantad ang umano’y bentahan ng Good Conduct Time Allowance Law, hospital pass, gayundin ang mga iligal na aktibidad tulad ng operasyon ng droga, kidnapping, prostitusyon at marami pang iba.

Samantala, aminado si Sotto na  nagulat at nabagabag siya sa mga narinig na  rebelasyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong hinggil sa mga iregularidad sa Bureau of Corrections (BuCor) na kinasasangkutan ng ibang opisyal ng Philippine National Police (PNP).

“Nakababagabag, dahil wow, yung parang mapapamura ka. Reaksyon ng mukha ko saka ni (Sen) Ping (Lacson) at (Sen) Frank (Drilon), nung nakikinig kami, halos nakanganga ako, nagtinginan na lang kaming tatlo,” salaysay pa ni Sotto.

“What is happening there are worms coming out of the woodwork,” dagdag pa ng senador kasabay ng paglalarawan na kung anuman ang mga naririnig ng publiko sa public hearing ay wala pa sa kalingkingan ng kanilang nalaman sa Executive session.

“Meron pa sa loob na hindi namin napag-uusapan pa. Mabuti na lang alam namin ang pangalan, malala pa pala kesa sa naririnig natin. Paano mo titigilan yan?” diin ni Sotto.

Sa pagharap ni Magalong sa Senado noong Huwebes, humiling ito ng Executive session upang idetalye ang mga opisyal na sangkot sa Agaw Bato Scheme kung saan milyon-milyon ang kitaan.

“Sa tagal ng panahon ng mga pangyayari na konektado sa BuCor pa rin. Kasi nga mga ibang nahuhuli na droga, palagay mo may nahuli 50 kilos ang irereport 10 kilos lang tapos ang 40 kilos ipa-fastbreak. Ang isa sa pinakamabilis na magmarket ay ang mga loko sa preso, mga drug lord dun, matindi connection,” paliwanag pa nito.

Sa pagtantya ni Sotto isa o dalawang hearings pa ang kanilang kailangan bago makabuo ng committee report kasama na ang lahat ng kanilang rekomendasyon.

 

260

Related posts

Leave a Comment