CAVITE – Umabot sa P1.295 bilyong halaga ng ilegal na droga ang sinunog sa Integrated Waste Management Inc. (IWMI) sa Brgy. Aguado, Trece Martires City nitong Miyerkoles ng umaga.
Sinira sa pamamagitan ng thermal decomposition ang kabuuang 912,685.73 gramo ng iba’t ibang drug evidence kabilang ang methamphetamine hydrochloride, o shabu, toluene, marijuana, cocaine, MDMA (Methylenedioxymethamphetamine), o ecstasy, pseudoephedrine, ephedrine, opium, diazepam, nitrazepam, alprazolam, methyl ephedrine, ketamine, methylphenidate at mga expired na medisina at liquid shabu, at GBL (Gamma-Butyrolactone) na tumitimbang sa 102,680 ml.
Ang thermal decomposition, o thermolysis, ang isang proseso kung saan sinusunog ang mga ito sa 1,000 degrees centigrade na init.
Pinuri naman ni PDEA Director General Wilkins M. Villanueva ang pagsisikap ng ilang sangay ng Regional Trial Courts (RTCs) para sa mabilis na paglilitis sa mga kaso ng ilegal droga upang agad masira ang mga ito dahil hindi na ito magagamit na ebidensiya sa korte.
Naging pangunahing pandangal naman si Cavite Governor Jonvic Remulla sa nasabing pagsusunog ng mga ilegal na droga. (SIGFRED ADSUARA)
142
