UMAASA si Agriculture Secretary William Dar na papayagan ng Malakanyang ang P1 bilyong karagdagang badyet ng Department of Agriculture (DA) upang maparami ang suplay ng pagkain at magtuluy-tuloy ito ng dalawang buwan.
Ang kahilingan ng DA ay ipinarating ni Dar sa pamamagitan ng liham kay Executive Secretary Salvador Medialdea nitong Marso 21.
Ang P1 bilyon ay gagamitin hanggang Mayo 14, isang buwan matapos ang enhanced community quarantine sa Abril 14.
Ayon kay Dar, P325 milyon mula sa P1 bilyon ay gagamiting pondo upang palakasin at dagdagan ang Kadiwa Center sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang Kadiwa ay proyekto ng pamahalaan noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Ang nasabing proyekto ni Marcos ay mini-mart na mabibili ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mamamayan tulad ng bigas, mantika, toyo, suka at marami pang iba sa napakababang halaga.
Muling binuhay ito ngayong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa panawagan ni Senadora Imee Marcos, panganay na anak ng yumaong pangulo, kung saan ang tawag ay “Kadiwa ni Ani at Kita.”
“We will also pursue partnerships with government and private agencies interested to set up Kadiwa stores to provide the basic food needs of their respective employees,” pahayag ni Dar.
Kamakailan, binuhay rin ng San Miguel Corporation (SMC) ang nutribun na isa sa mga proyekto ni Marcos noong 1970s hanggang 1980s.
Ang nutribun ay panlaban ni Marcos sa malaganap na malnutrisyon noon, sapagkat ang nasabing tinapay ay punumpuno ng nutrisyon at bitamina.
Ipinatigil ito ni Corazon Cojuangco Aquino nang maging pangulo siya noong 1986.
Sa pagbuhay ng nutribun, inihayag ni SMC president at chief operating officer Ramon Ang na ipinamamahagi nang libre ang nutribun sa lahat ng mga pampublikong pagamutan, pulisya at mga pamayanang maraming biktima ng sakit na novel coronavirus – 2019 o COVID – 2019. NELSON S. BADILLA
