JOEL O. AMONGO
Aabot ng 535 pirasong tabletas ng ecstasy (party drugs) na may katumbas na isang milyong piso (P1-M) ang nasabat ng pinagsanib na grupo ng Bureau of Customs Port of NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa air parcel sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City kamakailan.
Ang nasabing mga tabletas ay inisyal na nadiskubre ng Customs personnel sa CMEC matapos ang isinagawang 100% physical examination sa air parcel.
Kasunod ng laboratory test na isinagawa ng PDEA, nakumpirma na ang mga tabletas ay ecstasy o “party drugs”.
Lumalabas sa records na ang air parcel ay nagmula sa Netherlands at idineklara bilang “documents”.
Kaugnay nito, ang 535 piraso ecstasy tablets ay itinurn-over sa PDEA para sa kaukulang imbestigasyon.
Posible rin ang pagsasampa ng kaso sa nasa likod ng importasyon ng ilegal na droga para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA No. 9165) at Section 1401 Customs Modernization and Tariff Act (RA No. 10863).
Samantala, umabot na sa kabuuang 23,482 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng P42.27 milyong ang nasabat ng BOC-NAIA kasama ng PDEA at NAIA-IATDITG sa nakaraang 2020.
Ang BOC-NAIA ay buo ang suporta kay Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa kanyang anti-smuggling campaign sa pamamagitan ng kanilang nananatiling pagbabantay laban sa talamak na smuggling ng mga illegally import unregistered medicines at iba pang ipinagbabawal na kalakal.
Partikular ang mga walang kaukulang clearances mula sa mga ahensiya o tanggapan ng pamahalaan.
Dahil dito, ang BOC-NAIA ay may nakimpiska ng kabuuan na 373.19 tonelada ng hindi ligtas at iba pang nakalalasong kalakal kasama na ang hindi mga rehistradong gamot at phamaceuticals na walang Food & Drug Administration permits at clearances na kamakailan ay sinira para hindi na mapakinabangan.
