P1B DAGDAG KITA NAITALA

TUMATAGINTING na isang bilyong piso ang naitalang dagdag kita ng Bureau of Customs (BOC) makaraang magsagawa ng pagsusuri sa mga binayarang buwis at taripang katumbas ng mga pumapasok na produkto sa bansa.

Sa ulat ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa Department of Finance (DOF), may kabuuang P1.04 bilyon ang kanilang nasingil na dagdag kita para sa mga unang siyam na buwan ng kasalukuyang taon.

Ayon pa kay Guerrero, malaking bentahe sa kanilang ahensya ang pagsasagawa ng regular na post-clearance audit sa mga pinagbayarang taripa at buwis katumbas ng mga inaangkat na kalakal sa bansa.

Sa datos ng BOC, lumalabas na P738 milyon ang pumasok sa nasabing tanggapan mula sa mga importers na boluntaryong nagdeklara ng mga pagkakamali sa kanilang kwenta, habang P299.96 milyon naman ang kanilang nakolekta makaraang magpalabas ng abiso ang nasabing ahensya sa mga kumpanyang kulang ang ibinayad na buwis na katumbas ng kanilang ipinasok na kalakal.

Pumalo naman sa P414.16 milyon ang kinita ng BOC mula sa mga pagsusubasta ng mga kumpiskadong kargamentong tinangkang ipuslit sa bansa mula Enero hanggang Setyembre.

Sa kabuuan kita ng ahensyang pinamumunuan ni Guerrero, lumalabas na nakapagtala na ng P472 bilyong koleksyon ang BOC sa unang siyam na buwan pa lamang ng taon – di hamak na mas mataas kesa sa target para sa mga nasabing panahon.

Kumpara sa P398 na kitang naitala sa unang siyam na buwan ng taong 2020, lumalabas din higit na malaki ang pumasok na koleksyon sa unang siyam na buwan ng kasalukuyang taon.
Target ng BOC na makalikom ng P616 bilyon para sa taong 2021.

Sa datos ng nasabing ahensya, humigit kumulang P29.2 bilyong halaga ng iba’t ibang kalakal ang nasabat ng kawanihan mula sa 750 iligal kargamento.

215

Related posts

Leave a Comment