P1K BUWANANG PENSION NG SENIORS LUMUSOT NA SA KAMARA

PINAGTIBAY na sa  ikatlo at huling pagbasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang itaas sa P1,000 ang buwanang pension ng senior citizens.

Sa botong 225 na pabor at walang tumutol, inaprubahan ang House Bill 9459 kung saan gagawin nang P1,000 ang social pension ng mahihirap na senior citizens o edad 60 mula sa kasalukuyang P500.

Sa kasalukuyan ay mahigit kumulang sa 9 milyon ang senior citizens sa bansa kung saan mahigit 3 milyon sa mga ito ay maituturing na indigent o mahihirap at walang inaasahang tulong pinansyal mula sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ang mga ito ang makikinabang sa nasabing panukala na kailangan na kailangan umano ngayong panahon ng pandemya.

Pinasimple na rin ang nasabing batas dahil hindi na kailangan magsumite ng napakaraming dokumento ang mga senior citizen para maging kwalipikado ang mga ito sa nasabing pensyon.

Base sa kasalukuyang batas, kailangan patunayan muna ng isang senior citizen na wala siyang pinagkukunan ng suportang pinansyal para mabigyan ng buwanang pensyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bukod dito, kailangang mahina na, sakitin at disabled na ang isang senior citizen para mabigyan ng pensyon subalit binura sa ipinasang panukala ang mga kwalipikasyong ito.

Inaatasan din ng panukala ang DSWD na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) upang rebisahin at itaas ang social pension kada dalawang taon kung kinakailangan.

Ang bersyon na lamang ng Senado ang hinihintay upang matalakay na ito sa bicameral conference committee para sa ratipikasyon ng dalawang kapulungan bago pirmahan ng pangulo para maging ganap na batas. (BERNARD TAGUINOD)

120

Related posts

Leave a Comment