INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagbibigay ng World Teachers Day Incentives Benefit (WTDIB) na P1,000 bawat public school teacher sa taong 2021.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ito’y bilang pagkilala sa mahahalagang papel ng mga guro lalo na sa panahon ng pandemya.
Maglalabas aniya ng guidelines ang DepEd kaugnay ng nasabing insentibo.
Sa ulat, P910 million na pondo para sa tig-isang libong pisong insentibo para sa mga pampublikong guro sa bansa ang tinintahan ng pangulo.
Ang nabanggit na insentibo ay pakikinabangan ng 910,000 na mga pampublikong guro, para sa selebrasyon ng World Teacher’s Day sa ika-lima ng Oktubre.
Nakapaloob ito sa Republic Act no. 10743 o mas kilala sa tawag na “An Act Declaring the Fifth Day of October Every Year bilang National Teacher’s Day”.
Ang pagkilala sa teaching profession ay nagsisilbing pagpupugay sa hindi matatawarang serbisyo, at mahalagang kontribusyon ng mga guro sa paghubog sa kaisipan, values at karakter ng mga kabataang Filipino. (CHRISTIAN DALE)
