P2.5B signature items PALSIPIKADO, KUMPISKADO

SANDAMUKAL na pekeng signature items ang nahagip sa pinagsanib na operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at iba pang intelligence agencies ng pamahalaan sa Pasay City kamakailan.

Sa tala ng BOC, aabot sa mahigit P2.5 bilyong halaga ng mga counterfeit products na ipinuslit sa bansa ang nasamsam ng mga operatiba ng Customs Intelligence Group (IG), Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Division (CIIS-IPRD) at ng Port of Manila (POM) sa One Logistic Center, Taft Avenue Extension sa Pasay City nito lamang nakaraang Sabado.

Bitbit ang Letter of Authority (LOA) na nilagdaan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, pinasok ng CIIS-IPRD, BOC-POM, Philippine Coast Guard (PCG), at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasabing warehouse kung saan tumambad ang laksa-laksang pekeng signature items, kabilang ang mga produktong dala ang mga mamahaling tatak ng Christian Dior, Gucci, Chanel, Louis Vuitton at Fendi.

Nahaharap naman sa patong-patong na asunto – kabilang ang paglabag sa Republic Act 9283 (Intellectual Property Code) at RA 10803 (Customs Modernization Tariff Act) ang importer, consignee at customs brokers na nasa likod ng mga nasabing kargamento.

Pagtitiyak ng kawanihan, mas paiigtingin pa nila ang kanilang kampanya laban sa smuggling lalo pa’t inaasahan ang bugso ng mga kargamento sa tuwing nalalapit ang kapaskuhan.

Bago pa man ang nasabing operasyon, kumpiskado rin sa nasabing ahensya ang higit P54 milyong halaga ng mga smuggled at pekeng mga produkto sa isinagawang inspeksyon sa isang mall sa Quiapo, Maynila.

Kasama nila ang Philippine Coast Guard, sinalakay ang nasabing establisimyento makaraang maghain ng reklamo ang isang kumpanya kaugnay ng lantarang pagbebenta ng mga pekeng kalakal gamit ang tatak ng kanilang mga rehistradong produkto.

Kabilang sa mga nahagip ang mga pekeng damit, sari-saring accessories, mga computer at electronic equipment, at mga videoke machines at iba pa.

 

190

Related posts

Leave a Comment