RIZAL – Umabot sa P2.6 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska mula sa isang 33-anyos na high value target (HVT) makaraang madakip ng anti-drugs operatives sa bayan ng Binangonan sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ni Rizal PNP Provincial Director, P/Col. Dominic Baccay kay PRO4A-Calabarzon Regional Director BGen. Antonio Yarra, kinilala ang nadakip na si Edmar Rex y Nieto alyas “Bok”, nakatira sa Brgy. Darangan ng nabanggit na bayan.
Nabatid mula kay P/Major Joel Custodio, chief ng Provincial Intelligence Unit (PIU), dakong alas-1:45 ng madaling araw noong Hulyo nang masakote ang suspek ng grupo nina Lt. Daniel Solano sa Aragon Compound, Upper Left Kasinay, Brgy. Darangan sa ikinasang buy-bust operation.
Nakuha sa suspek ang 387 grams ng umano’y shabu na P2,699,600 ang halaga, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Nakapiit na ang suspek sa detention cell ng pulisya habang dinala naman sa Rizal Provincial Laboratory ang nakumpiskang ilegal na droga para sa ebalwasyon. (ENOCK ECHAGUE)
