P200-M BULACAN INFECTION CONTROL CENTER, MAGAGAMIT NA

PINASINAYAAN na ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel Fernando ang P200-million 3-storey extension building ng Bulacan Medical Center (BMC) na siyang magsisilbing Covid centralized quarantine center sa probinsiya matapos isagawa ang blessing at inagurasyon nito sa araw mismo ng Labor Day sa Malolos City.

Ayon kay Fernando, ito ay tatawaging Bulacan Infection Control Center na may 250-bed capacity na siyang gagamitin sa mga pasyenteng kumpirmado, suspected at probable sa sakit na COVID-19.

Ayon kay Dr. Protacio Badjao, head ng provincial hospitals, may halagang P200M ang ginugol ng pamahalaang panlalawigan para sa pagtatayo ng tatlong palapag na pasilidad. Ang konstruksyon nito ay sinimulan taong 2018 bilang extension building ng Bulacan Medical Center na pansamantalang inilaan ang operasyon bilang quarantine facility dahil sa Covid pandemic.

Nabatid sa gobernador na ang mga palapag ng nasabing gusali ay mayroong kanya-kaniyang operasyon kung saan sa ikatlong palapag ilalagay ang mga moderate, severe and critical COVID positive patients, habang ang ikalawang palapag ay mayroong 12 beds kung saan ang sampu nito ay para sa intensive care unit at dalawa para sa dialysis unit at ang ground floor naman ay bilang emergency, X-ray, laboratory at cadaver holding area.

Idinagdag pa ng gobernador na 30 mga doktor at 54 nurses ang nakatalaga rito na augmentation mula sa mga district hospital na pinatatakbo ng Kapitolyo.

Sa kasalukuyan ay operational na rin  ang Local Governance Center building na maaaring maglaman ng 56 Covid suspects para sa mga nanggaling sa abroad o OFWs.

16 classrooms naman ng College of Social Science and Psychology building ng Bulacan State University (BulSU) ay iniaayos na para sa mild cases hanggang 100 pasyente habang ang BulSU’s Criminal Justice building ay gagamitin ng mga frontliner at ang MAB building na matatagpuan sa Barangay San Pablo sa lungsod din ng Malolos ay mayroon namang 54-bed capacity, dagdag ni Fernando.

Kasabay nito ay pormal ding pinasinayaan ni Baliwag Mayor Ferdie Estrella ang itinayong Baliwag Ligtas Covid Emergency Quarantine Facility na matatagpuan sa Baliwag Government Center sa Barangay Pagala. ELOISA SILVERIO

289

Related posts

Leave a Comment