P25-M HALAGA NG ‘PAMPAGANA’ KUMPISKADO

KUMPISKADO ng Bureau of Customs ang hindi bababa sa P25 milyong halaga ng mga ipinuslit na gamot na higit na kilalang gamit bilang pampagana sa pakikipagtalik.
Sa isang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng mga kawani ng BOC Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Port of Manila at Formal Entry Division (FED) sa isang storage facility sa lungsod ng Pasay, tumambad ang bulto-bultong gamot na pinaniniwalaang ipinasok sa bansa ng walang kaukulang mga dokumento.
Bitbit ang Letter of Authority na pirmado ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, kinumpiska ng mga operatiba ang mga gamot tulad ng Cactua Compositum at Testis Compositum na mula sa bansang Germany.
Sa pagsusuri, lumalabas  ang Cactua Compositum ay karaniwang lunas para sa coronary circulatory disorder, samantalang ang Testis Compositum ay bantog na pampagana sa pagtatalik.
Kabilang din sa mga nahagip sa nasabing operasyon ang iba pang gamot na gina­gamit para sa mga pasyenteng may liver cancer at mga maintenance medicines kontra kolesterol.
Wala rin anilang maipakitang kaukulang papeles na magpapatunay sa mga pinagbayarang buwis ang mga inabutang bantay ng nasabing storage facility.
Kaugnay nito, nagbabala ang Port of Manila laban sa pagpupuslit ng anumang prescription medicines na nangangailangan ng gabay ng mga dalubhasa bago pa man gamitin sa mga pasyente.
156

Related posts

Leave a Comment