P3-TRILLION ‘DI NAGAMIT NG GOBYERNO MULA 2017

HALOS tatlong trilyong piso ang hindi nagamit ng Duterte administration mula 2017.

Ito ang napag-alaman mula kay House Deputy Minority Leader Carlos Zarate subalit ibinabaon umano ng gobyerno ang taumbayan sa utang tulad ng P200 billion na inutang noong 2020 para tugunan ang COVID-19 pandemic.

Ayon sa mambabatas, umabot sa P334 billion ang savings o pondong hindi nagamit ng Duterte administration noong 2017; P373 billion noong 2019 at karagdang P286 billion noong 2020.

Gayunpaman, noong 2020 ay umutang ang gobyerno ng $4 billion sa iba’t ibang financial institution tulad ng World Bank (WB) o katumbas ng P200 billion para tugunan ang pandemya gayung maraming ‘savings” aniya ang mga ahensiya ng gobyerno ito at hindi ibinigay ang nararapat na allowance sa medical frontliners

“So napakaraming pondo na talagang hindi nagamit. Bakit ‘di agad naibigay ang special risk allowance (SRA), active hazard duty pay at iba pang benepisyo samantalang halos isang trilyon ang savings ng Duterte admin mula ng 2017?” tanong ni Zarate.

Dahil dito, inatasan ng mambabatas ang economic managers na isapubliko kung saan-saang ahensya ng gobyerno galing ang kabuuang P993 billion na savings ng mga ito sa nakaraang tatlong taon.

“Dapat po ay pina-publish nila ito sa kanilang websites kung saan galing ang savings na ito at ano po ang pinupuntahan na projects, activities and programs. We demanded ang kabuuang detalye ng budget ay naka-publish ‘yan for transparency,” ayon pa sa mambabatas.

Dismayado si Zarate na ibinigay ng Kongreso ang mga pondong ito para gamitin para sa kapakinabangan ng mamamayan subalit hindi ginagastos sa pinaglaanang mga programa. (BERNARD TAGUINOD)

135

Related posts

Leave a Comment