P30K NG MGA GURO HINDI ISUSUKO

teachers12

(NI BERNARD TAGUINOD)

HINDI isusuko ng mga public school teachers ang kanilang laban na itaas sa P30,000 entry salary.

Ito ang sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro kasabay ng kanilang kilos-protesta sa paggunita sa World Teachers Day nitong Biyernes, Oktubre 5, upang kalampagin ang gobyerno sa pagbibingi-bingihan sa kanilang kahilingan.

“Hangga’t hindi naibibigay ng gobyerno ang sweldo na disente at nakabubuhay sa kanyang mga empleyado, lalo na sa mga guro, patuloy na ipaglalaban ang nakabubuhay na sahod, karapatan at mga benepisyo,” ani Castro.

Sa ngayon ay mahigit P20,000 lang ang buwanang sahod ng mga Public School Teacher 1 na hindi umano sapat para magkaroon ang mga ito ng disenteng pamumuhay.

“Humihirap pa lalo ang mahirap nang pamumuhay ng ating mga guro at ibang kawani ng gobyerno dahil sa kabi-kabilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” ani Castro.

Sa susunod na taon ay magkakaroon ng umento ang sahod ng mga government employees kasama na ang mga grupo matapos maglaan ng P31 Billion sa 2020 national budget para dito subalit hindi aniya ito nakakasapat.

Tinataya ni Castro na P61 kada araw ang itataas ng sahod ng lahat ng mga manggagawa sa gobyerno sa susunod na taon kaya hindi umano sila titigil hangga’t hindi sila magtatagumpay.

Nais naman ng nasabing grupo na itaas sa P16,00 ang sahod ng mga karaniwang manggagawa sa gobyerno dahil sa ngayon ay P11,068 lamang ang sinasahod ng may pinamababang ranggo.

Nilinaw ng mambabatas na hindi ambisyoso ang kanilang ipinaglalabang sahod dahil ito ang nararapat umano para magkaroon ang mga ito ng disenteng pamumuhay.

 

206

Related posts

Leave a Comment